OFWs sa Saudi Arabia, nangangalap ng tulong para sa mga biktima ni 'Sendong'
JEDDAH, KSA – Kaisa ng mga Pinoy sa abroad ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nasa bansang ito sa paghanap ng paraan upang matulungan ang mga kababayan na sinalanta ng bagyong “Sendong" sa Pilipinas. Ang iba’t ibang organisasyon ng mga Pilipino sa lugar gaya ng Spectrum, KASAPI, Alpha Phi Omega, Tropang Gising at Kaagapay, ay nanawagan at namahagi ng flyers sa mga kapwa Pinoy para sa gagawing pagtulong sa mga naging biktima ng bagyo. Ayon kay Jauhari Usman, dating chairman ng Kapulungan ng Samahan ng mga Manggagawang Pilipino (KASAPI), higit kailanman ay ngayon ang panahon para sila makiisa sa pag-aabot ng tulong sa mga sinalanta ng bagyo. Sa pakikipagtulungan ng LaSalle batch 91 at DP World Jeddah Tennis Club, pinangunahan ng Alpha Phi Omega Alumni Association in Western Region, ang pangangalap ng donasyon na tinawag nilang Riyal Mula Sa Puso, Kayang-kaya, Basta Sama-Sama. Ang malilikom na pondo ay para sa mga biktima ni Sendong, ayon sa kasalukuyang presidente ng grupo na si Meljun Martinez Fabicon. Bukod sa pinansyal na tulong, marami ring OFWs ang nag-alay ng kanilang dasal para sa mga namatay sa pagbaha at maging sa mga nakaligtas na sana’y malampasan nila ang pagsubok. Ang Filipino community naman sa bayan ng Najran na pinangunahan ni Ronald Dela Cruz at Hashim Echano ang pangangalap ng donasyon sa kanilang mga miyembro para agad nila itong maipadala sa Pilipinas. Ipinayo naman ng advocacy group na Kaagapay na makabubuting pinansiyal na tulong na muna ang ibigay at hindi mga gamit tulad ng damit dahil wala pang cargo company na magbibigay ng libreng serbisyo para madala ang mga ito Iligan at Cagayan de Oro. Inirekomenda ng Kaagapay ang pagpapadala ng pinansyal na tulong sa pamamagitan ng GMA Kapuso Foundation. Ang Philippine Embassy naman sa Riyadh ay kaagad nagpalabas ng advisory tungkol sa pagpapadala ng tulong sa Pilipinas. Ipinahayag ng embahada na ang monetary donations pa rin ang pinakamabilis na paraan ng pagpapadala ng tulong sa mga sinalanta ng bagyo. Ang mga donasyon na gamit gaya ng mga damit ay hindi umano mapagtutuunan ng pansin dahil sa malaking gastusin at tagal kapag ipinadala ito sa Pilipinas. Sinabi ng embahada na maari nilang ipadala sa mga sangay ng ating pamahalaan tulad ng sa NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council ) at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang mga cash donations. -- Ronaldo Z. Concha, GMA News