GMA News Online Showbiz » Chika Minute

Alamin ang mga nagwagi sa 2011 MMFF Awards Night

December 29, 2011 12:38am
Ang Kapuso star na si Dingdong Dantes ang tinanghal na Best Actor, habang ang istorya ng isang hoodlum mula sa Tundo ang humakot ng parangal sa 2011 Metro Manila Film Festival (MMFF) Awards Night nitong Miyerkules ng gabi.

Ang mga pelikulang kalahok sa MMFF ngayong taon ay ang Panday 2; Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story; My Househusband, Ikaw Na!; Enteng ng Ina Mo; Segunda Mano; Shake Rattle & Roll 13; at Yesterday, Today, Tomorrow.

Ngayon pa lang, inihayag na ni Sen Ramon “Bong" Revilla Jr., na magkakaroon ng part 3 ang kuwento ng Panday.

“Tuloy ang Panday 3 pero 2013 ‘yon, ganung kahaba ang preparasyon namin," ayon kay Sen Bong.

Tinanghal na Best Screenplay ang pelikulang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story, na pinagbibidahan ng actor-politician na si Laguna Gov George Estregan, Jr.

Nakamit din ng Asiong Salonga ang Gatpuno Villegas Cultural Award at Best Picture.

Iniuwi naman ng Kapuso star na si Dingdong Dantes ang Best Actor Award para sa Segunda Mano, habang si Maricel Soriano naman ang Best Actress para sa Yesterday, Today, Tomorrow.

Nakamit naman ni Eugene Domingo ang Best Supporting Actress award sa pelikulang My Househusband, habang si John Regala ang tinanghal na Best Supporting Actor para sa Asiong Salonga.

Si German “Kuya Germs" Moreno ang nag-present ng posthumous award para sa pumanaw na choreographer at TV direktor na si Lito Calzado, na ama ng Kapuso star na si Iza Calzado.

Si Iza ang tinanghal na Best New Wave Actress para sa HIV, habang si JM de Guzman ang Best New Wave Actor para sa Pintakasi, na tinanghal ding Best New Wave Full-Length Film.

Narito ang iba pang awards:

Best Picture - Asiong Salonga
2nd Best Picture - Enteng Ng Ina Mo
3rd Best Picture - Shake Rattle & Roll 13
Best Director - Tikoy Aguiluz / Gary dela Cruz (Asiong Salonga)
Best Story - "Lunod" Shake Rattle and Roll 13
Best Child Performer - Bugoy Cariño (Shake Rattle and Roll 13)
Best Original Theme Song - "La Paloma" by Ely Buendia (Asiong Salonga)
Best Cinematography - Asiong Salonga
Best Sound Recording - Asiong Salonga
Best Editing - Asiong Salonga
Best Musical Score - Asiong Salonga
Best Production Design - Asiong Salonga
Best Visual Effects - Ang Panday 2
Best Float - Ang Panday 2
Best Make-Up - Enteng Ng Ina Mo
Best New Wave Student Film - Payaso
New Wave Section Special Jury Prize - Biyahe Ni Barbie
Face of the Night – Iza Calzado at Richard Gomez
Celebrity Sexiest Appeal of the Night - George Estregan, Jr. at Judy Ann Santos

Tuwang-tuwa naman at ipinagmalaki si Gov Estregan sa naging resulta ng Asiong Salonga na tinawag niyang de-kalidad na pelikula at maaaring ipagmalaki sa ibang bansa.

Una rito, nagdesisyon ang executive committee ng MMFF na idiskuwalipika sa apat na major awards -- Best Picture, Gatpuno Award, Best Screenplay at Best Director -- ang Yesterday, Today, Tomorrow dahil sa hindi umano nito pagsunod sa patakaran ng festival.

Ayon kay chairman Francis Tolentino ng Metro Manila Development Authority (MMDA), namamahala sa MMFF, 90 porsiyento ang kaibahan ng pelikulang ipinalabas sa mga sinehan kumpara sa script na isinumite ng Regal sa screenplay committee ng MMFF.

Ipinagtaka naman ni Lily Monteverde, producer ng pelikula, kung bakit ngayon lang nagdesisyon ang liderato ng MMFF na idiskuwalipika ang YTT samantalang nagkaroon na ito ng advance screening noong nakaraang linggo.

Dahil sa naging desisyon ng MMFF, hindi sumipot sa awards night ang mga pangunahing bida ng YTT na kinabibilangan nina Maricel Soriano at Gabby Concepcion. - FRJimenez, GMA News
We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus