GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Ang madugong Rizal Day bombing

December 30, 2011 6:27pm
Disyembre 30, 2000 – kasabay ng paggunita ng Rizal Day – nang bulabugin ng magkakasunod na pagsabog ang limang lugar sa Metro Manila na nagresulta sa pagkasawi ng 22 katao at tinatayang aabot sa 100 iba pa ang nasugatan.

Sa limang lugar na tinaniman ng bomba, pinakagrabe ang pinsala sa pagsabog na naganap sa the Light Rail Transit-Blumintritt station sa Maynila, kunsaan 11 pasahero ang nasawi at 19 na iba pa ang nasugatan.

Ang mga pagsabog ay naganap din sa Plaza Ferguson sa Ermita, Maynila; sa parking lot ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Complex in Pasay City; isa pa na malapit Petron Gas Station sa Makati City; at pagsabog sa loob ng isang bus sa Cubao, Quezon City.

Kasama sa mga nasawi ang dalawang pulis na miyembro ng bomb squad na nasabugan habang tinangka nilang pigilan ang pagsabog ng bomba na itinanim malapit sa gasolinahan sa Makati.

Ang teroristang grupo na Jemaah Islamiyah ang itinuturong nasa likod ng mga pag-atake.

Tatlong akusado –sina Mukhlis Hadji Yunos, alias Saifulla Yunos Muklis; Mohamad Amir alias Abdul Fatak Paute; at Zainal Paks alias Mamasao Naga – ang hinatulan ni Judge Cielito Mendaro-Grulla ng Manila Regional Trial court, na makulong ng habambuhay kaugnay sa naganap na pagsabog sa LRT-Blumintritt station. -- FRJ, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus