ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DOH: Bilang ng mga sugatan sa pagsalubong sa 2012 bumaba


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Malaki ang ibinaba ng bilang ng mga naputukan sa pagsalubong ng Bagong Taon, ayon sa tala ng Department of Health (DOH) nitong Linggo na inihayag ni Health Secretary Enrique Ona. Sa ulat ng 'Balitanghali' ng GMA News TV, mula Disyembre 21 hanggang 6 a.m. nitong Linggo, umabot sa 476 ang naitalang sugatan dahil sa mga paputok at ligaw na bala, ayon kay Ona. Sa bilang na ito, 454 ang mga kasong naputukan, 18 ang natamaan ng ligaw na bala, at apat ang nakakain ng paputok. Ayon sa ilang tweet mula kay DOH Assistant Secretary Eric Tayag at mula sa isang press release ng Malacañang, 13 porsiyento ang ibinaba ng bilang ng mga sugatan. Hanggang January 5 pa magtatala ang DOH dahil hindi pa ibinababa ang ”white alert status” ng mga ospital bilang estado ng kahandaan upang agarang matugunan ang mga isinusugod sa ospital. Dati nang inilahad ng DOH sa isang press release noong November 24 na sa pagsalubong sa 2011 ay 1,022 ang kabuuang bilang ng mga nasugatan (Dec. 21, 2010 - Jan. 5, 2011) at 972 sa mga ito ay mga sugatan dahil sa paputok.   Legal at ilegal na paputok   Ayon sa tala ng DOH, ang paggamit ng ilegal na piccolo ang naging sanhi sa maraming nasugatan ngunit sa kabuaang bilang, 50% ng kaso ng mga naputukan ay dulot ng mga legal na paputok tulad ng kwitis, fountain, five star at lusis.   Dahil dito, pag-aaralan umano ng DOH kung dapat bang manatiling legal ang ilang paputok. Kasalakuyan pang inaalam ng DOH kung resulta ba ito ng hindi maayos na pagkagawa ng mga paputok o kapabayaan ng mga gumamit. Ayon naman kay Interior and Local Governments Secretary Jesse Robredo, nakatanggap ang kaniyang opisina ng mga ulat ukol sa mga pulis na nagpaputok ng kanilang mga baril at agaran niyang inutos ang imbestigasyon sa mga ulat na iyon. Para kay Robredo, ang mababang tala ng sugatan sa pagsalubong sa Bagong Taon ay patunay na naging epektibo ang kampanya ng pamahalaan at iba pang sektor kontra paputok at walang habas na pagpapaputok ng baril. Napansin ng mga Twitter users Sa mga unang sandali at oras ng 2012, ibinalita ng ilang Twitter at Facebook users sa kanilang mga followers na napansin nilang mas kaunti ang pagpapaputok ngayon kumpara sa dati. Iba't ibang dahilan ang kanilang tinuran bilang maaaring paliwanag sa paghina ng paputok ngayong taon. Kabilang na ang kakulangan sa pera, pagbili ng iba pang mas mahalagang bagay, o panonood ng fireworks show sa mga malls at parks.

Ilang payo mula sa DOH   Ayon kay Ona, naitala na ang mga batang edad 1 hanggang 10 taong gulang ang kadalasang nasasabugan ng mga paputok.   Payo ng DOH, ang mga batang 12 taong gulang at pababa ay hindi dapat palapitin sa kahit anong paputok.   Idiniin din ni Ona ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng mga baril, pulis man o pribadong indibidwal, upang maiwasan ang mga inosenteng nabibiktima ng ligaw na bala.   Payo din ng DOH, sa mga lugar na pinapalibutan ng smog, kinakailangang takpan ang bibig at ilong ng mask o basang panyo upang maiwasan ang mga sakit. Aniya, mas mainam na huwag na lang lumabas ng bahay kung hindi naman kailangan upang makaiwas sa panganib na dulot ng makapal na usok sa kalusugan. - AF/ELR/YA, GMA News