ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Sendong' victims binalaan vs dengue


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bukod sa leptospirosis, nanganganib din sa dengue ang mga biktima ng bagyong Sendong (Washi) sa Cagayan de Oro at Iligan cities sa northern Mindanao. Ayon kay Dr. Eric Tayag, head ng National Epidemiology Center ng Department of Health (DOH), naghahanda na ang mga opisyal sa inaasahang pagtaas ng kasong dengue sa mga evacuation center sa mga susunod na araw. "Mga dalawang linggo mula ngayon maaaring tumaas ang dengue. ‘Yan ang binabantayan namin," ani Tayag sa panayam sa dwIZ radio. Pinayuhan ni Tayag ang mga apektadong residente na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran upang maiwasan ang pagdami ng breeding sites ng mga lamok na may dengue. Anang DOH, kadalasang nabubuhay ang Aedes aegypti mosquito sa mga lumang bote ng softdrink, bamboo husk, lumang gulong, at flower vase. Mahigit 37,000 nasa evacuation centers pa rin Nitong 6 a.m. ng Martes, umaabot sa 7,904 pamilya o 37, 298 katao ang nananatili sa 54 evacuation centers, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). Ayon pa rin sa NDRRMC, mahigit 114,228 pamilya o 724,729 katao ang apektado ng bagyong "Sendong," habang nasa 1,257 naman ang bilang ng mga namatay, 4,658 ang nasugatan, at 98 ang pinaghahanap pa rin. Banta ng leptospirosis Samantala, inihayag ni Tayag na kanilang ipagpapatuloy ang pagbabantay sa mga kaso ng leptospirosis, isang sakit na nakukuha sa baha, sa Cagayan de Oro at Iligan, ang dalawang lugar na lubusang nasalanta ng bagyo. Payo ni Tayag, kinakailangang manatalihing malinis ang mga bahay upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit. Kanya ring iginiit na dapat gumamit ng boots sapagkat may bacteria pa rin kahit sa putikan. "Ang naglilinis ng putik sa bahay at paaralan at ibang bahagi ng lugar kailangan may proteksyon ang paa. Ang mikrobyo nasa putik. Kung may sugat sa paa, kayo kakapitan. At ilang araw hanggang 14 araw maaring maramdaman ang sintomas ng leptospirosis," aniya. "Habang basa ang putik ito ang magsisilbing pagmumulan ng mikrobyo," dagdag ni Tayag. Nitong Lunes, idineklara ng DOH ang leptospirosis outbreak sa ilang baranggay sa Cagayan de Oro City. Ayon kay Tayag, kanila nang binabantayan ang sitwasyon sa Iligan City. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News