3 kapatid ni Ramgen, kakasuhan ni Janelle dahil sa lumabas na ‘sex’ video
Hinihinala ng kampo ni Janelle Manahan na may kinalaman ang tatlong kapatid ng pinaslang na aktor na si Ram Revilla sa pagkalat ng “sex video" ng magkasintahan sa Internet. Sa ulat ng GMA News TV SONA nitong Martes, sinabi ni Atty Luke Espiritu, abogado ni Janelle, na may motibo ang mga kapatid ni Ram Revilla (o Ramgen Bautista sa tunay na buhay) para hindi umano makatestigo ang kanyang kliyente sa kaso. Hinihinala ni Espiritu na layunin ng pagpapakalat ng sex video na gipitin si Janelle upang magkaroon ng emotional, psychological, at mental stress para hindi na tumayong testigo sa naganap na krimen. Nakatakdang humarap sa preliminary investigation ng Prosecutors' Office si Janelle sa Enero 10 kaugnay sa ginawang pagpatay sa kanyang nobyong si Ram at malubha niyang pagkakasugat. Ang tatlong magkakapatid na sina Gail, Ramona at Ramon Joseph Bautista ay isinasangkot sa pagpatay sa kanilang kapatid na si Ram na naganap noong Oktubre 2011 sa kanilang bahay sa Paranaque. Pinag-aaralan umano ng kampo ni Janelle na kasuhan ang tatlo ng paglabag sa Republic Act 9995, o ang Anti-Voyeurism Law of 2009. Gayunman, mariing itinanggi ng ina magkakapatid ang paratang na may kinalaman ang kanyang mga anak sa lumabas na video. Sinabi ni Gng Genalyn Bautista na nasa pangangalaga na ng mga pulis ang mga gamit ni Ram at hindi rin daw sila pinapayagang bumalik sa kanilang bahay. “Siguro kung nakita man namin yun (video), siguro lalong itatabi namin yun. Hindi namin ilalabas kasi kawawa naman yung bata, patay na yung anak ko masisira pa," pahayag ni Gng Bautista. Una rito, humingi ng tulong si Sen Ramon “Bong" Revilla Jr sa National Bureau of Investigation para matukoy kung sino ang nag-upload sa Internet ng sex video ng kanyang kapatid sa ama na si Ram. -- FRJ, GMA News