Crime rate sa bansa bumaba nitong 2011 — PNP
Bumaba ng 23.36 percent ang crime rate sa Pilipinas nitong 2011 kumpara noong taong 2010, ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP). Ayon sa PNP, naging malaking bahagi ang Police Integrated Patrol System sa pagbaba ng bilang ng krimen mula 324,083 noong 2010 sa 248,378 nitong nakaraang taon. Mababa rin ng kalahati ang bilang ng krimen nitong 2011 kumpara sa 502,665 na naitala noong 2009. “Ito (Police Integrated Patrol System) ay pina-igting ni PNP chief Director General [Nicanor] Bartolome sa pamamagitan ng pag-deploy ng administrative personnel galing sa national headquarters sa mga district at regional offices para mag-patrolya isang araw sa isang linggo para i-beef up yung beat patrols natin sa mga kalye,” inihayag ni PNP spokesman Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr. sa panayam ng 'Balitanghali' ng GMA News TV nitong Miyerkules. Aniya, maraming nalutas na “petty crimes” dahil sa pagbisita ng police supervisors sa mga barangay. Nagdulot din umano ito ng mas malapit ng ugnayan sa pagitan ng mga pulis at local government units. Hinikayat naman ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. ang PNP na ipagpatuloy nito ang patuloy na pagtuligsa ng krimen sa bansa. “Despite these successes, our police should continue to step up its anti-crime efforts and must remain on alert against all sorts of crime,” aniya sa isang pahayag. “Although the reduction in crime is welcome, this should not be a cause for complacency. The PNP must continue to strive to reduce crime even further, ensure public safety, and maintain peace and order in the country,” dagdag pa niya. Si Ochoa ang pinuno ng Cabinet Cluster on Security, Justice, and Peace at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). — Amanda Fernandez/KBK, GMA News