ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pabuya para mahuli si Palparan, dinoble


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dinoble na ng gobyerno ang reward money kapalit ng ano mang impormasyon kung saan nagtatago ang puganteng si retired Army Maj. gen Jovito Palparan. Inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima nitong Huwebes ang pagtaas sa pabuya na ngayon ay P1M na, mula sa naunang napagkasunduan na P500,000. "Because we are getting good leads, we decided to increase  the reward money for any information that will lead to the arrest of retired Maj. Gen. Jovito Palparan," ani De Lima. Ayon kay De Lima, desisyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) na doblehin ang pabuya. "We want this to be over and done the soonest. Kung lalo pang natatagalan ito, baka makapuslit siya," ani De Lima. Si Palparan ay humaharap sa kaso kaugnay ang pagkawala ng dalawang aktibistang mag-aaral noong 2006. Maliban kay Palparan, inakusahan din ng two counts of kidnapping and serious illegal detention sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr., S/Sgt. Edgardo Osorio, at M/Sgt. Rizal Hilario. Nauna nang sumuko sina Anotado at Osorio ngunit hindi pa rin matagpuan si Hilario, ang sinasabing "sidekick" ni Palparan. Matatandaang dinukot ang dalawang mag-aaral ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño sa Bulacan noong 2006, at hanggang ngayon nawawala pa rin ang dalawa. Patuloy na dumadalo si Palparan sa preliminary investigation ng DOJ ngunit nawala na lamang ito matapos maisampa ang kaso sa korte sa Malolos, Bulacan. Sinubukan ni Palparan na lumabas ng bansa patungong Singapore ngunit pinigilan siya ng immigration officials sa airport dahil sa hold departure order (HDO) na inihain laban sa kanya. Nitong nakaraang linggo, naghain ng motion for reinvestigation sa kaso, at pagbawi sa HDO at arrest warrant ang kampo ni Palparan. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News