ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tumangging mag-manicure, sinaksak sa Pangasinan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matapos ang insidente ng pamamaril sa Tundo, Maynila na sinasabing nag-ugat dahil sa hindi naisilbing pulutan, isa namang babae ang malubhang nasugatan matapos saksakin sa Pangasinan dahil tumanggi umano na linisan ng kuko ang suspek. Ayon kay Police Officer 3 Joseph Mamaril, duty investigator ng Basista, Pangasinan, nagtamo ng saksak sa dibdib ang 55-anyos na manikuristang si Ma. Chona Mateo. Galing umano sa Maynila si Mateo at nagbabakasyon lang sa Basista nang maganap ang pananaksak sa kanya ng suspek na si Venancio Ferrer, 53-anyos. Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagalit umano si Ferrer nang tumanggi ang biktima na linisan siya ng kuko. “Lasing ito (suspek) nang mangyari ang insidente. Habang nagma-manicure yung victim, biglang sinaksak," ayon kay Mamaril. Kusa namang sumuko si Ferrer at inamin ang ginawang pananaksak. Nagdilim lang umano ang paningin ng suspek matapos siyang murahin ng biktima. “Tinanong ko magkano pa-manicure, minura ako. Nagdala ako ng malaking itak binalikan ko," paliwanag ni Ferrer. Kahit kusang sumuko ang suspek matapos ang isang araw, mahaharap pa rin siya sa kasong frustrated homicide. Nitong Miyerkules, sumuko sa pulisya si Ronald Mabasa Cruz, 37-anyos, suspek sa pagbaril at pagpatay sa kanyang misis, biyenan at hipag sa Tundo. Lumitaw sa imbestigasyon na nakikipag-inuman ang suspek na si Cruz at nagalit umano ito nang hindi mahatiran ng pulutan ng misis. -- IAndrada/DBajo/FRJ, GMA News