GMA News Online
Pinoy Abroad
»
Kwentong Kapuso

Kwentong Kapuso: Resolusyon sa Bagong Taon

January 7, 2012 7:34pm
Resolusyon sa Bagong Taon

ni Maria Paz Samelo

Sa pagsapit ng bagong taon
karamihan sa atin ay nagkakaroon
nang kanya-kanyang resolusyon
na baguhin ang ginagawa at harapin ang hamon

Ngunit mayroon lang akong katanungan…
ito ba'y talagang ating nagagawa
sa tamang paraan o ito ay kasabihan lang?
para lang may masabi sa ating kinabukasan?

Halimbawa sa isang mag-aaral
susundin ang ina sa kanyang mga pangaral
ngunit kalaunan ito rin ay malilimutan
dahil sa masamang impluwensiya ng kaibigan.

Sa mga taong gustong pumayat
pigilan daw kumain at gawin ang nararapat
pero pag nasa harapan ang pagkaing masasarap
nawawalang silbi ang lahat ng pinapangarap.

Sa mga taong palaging tinatamad
baguhin na daw ang ugali agad-agad
ngunit 'pag may pagkakataong magpahinga
ayan na at 'di mo na mapipilit pa.

Sa mga taong 'di tapat sa asawa
resolusyon sa sarili magbago na daw talaga
ngunit 'pag nandiyan na sasabihing “bahala na"
at ang kawawang asawa umiiyak at nagdurusa.

Sa mga taong makasarili
ugaling ganyan huwag na daw manatili
alisin na daw dahil bagong taon na
ngunit hanggang salita lang pala.

Alam kong marami tayong nais baguhin
sa ating mga ginagawa at sa sarili rin
ngunit kailangan lang ay disiplina at determinasyon
upang ang ating resolusyon sa bagong taon
ay maging matagumpay at matupad ang nilalayon.

Tandaan mga kababayan
ang pagbabagong nasimulan
'di lang gagawin pagsapit ng susunod na taon
sa halip ay araw-araw gawin
para buhay ay sumulong. -- GMA News


Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso.

Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras.

Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!