ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Rehab project sa Marcos hi-way, baka makaapekto sa Panagbenga Festival


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naging masikip at mabagal na ang daloy ng trapiko sa Marcos Highway sa Baguio City. Halos isang oras na nagtitiis ang mga motorista sa mabagal na pag-usad ng mga sasakyan. May habang 1.378 kilometro ang kalsadang bahagi ng rehabilitation project. Batay sa pag-aaral ng Department of Public Works and Highways (DPWH), “in bad condition" na raw ang ilang bahagi ng kalsada. Ito ang dahilan kaya kailangan na itong ayusin. Pero para sa ilang residente at motorista, perwisyo ang dulot nito sa kanila. Ilang residente ang napipilitan na maglakad na lamang bunga ng matinding trapik. Unang linggo ngayong Enero lang nasimulan ng DPWH-Baguio ang proyekto matapos na maipalabas ang P20 milyong pondo para sa rehabilitation project. Bagamat nais ng DPWH-Baguio na maayos ang mga kalsada, nangangamba naman ngayon ang Department of Tourism Cordillera at iba pang opisyal ng flower festival sa baka makaabala ito sa mga aakyat ng Baguio para makikisaya sa Panagbenga Festival na magsisimula sa Pebrero. Bunsod nito, pinapamadali na ng DPWH-Baguio sa mga kontraktista ang pagsasaayos sa kalsada. Nangako naman daw ang mga ito na sisikapin nilang matapos ang proyekto bago ang inaabangang festival. “Ang contractor nagtatrabaho 24 hours… fast track without sacrificing the quality," pahayag ni DPWH-Baguio District Engineer Ireneo Gallato. –CCVictorio/Glam Calicdan/FRJ, GMA News