Kasong perjury at falsification, inihain laban kay Garcillano
Sinampahan si dating Elections Commissioner Virgilio Garcillano nitong Miyerkules ng kasong perjury at falsification of documents dahil sa umano’y pagsisinungaling sa imbestigasyon ng Kongreso at pagbibigay ng pekeng pasaporte. Inihain nina Bayan Muna party-list Reps Teodoro Casiño at Neri Colmenares ang reklamo laban kay Garcillano sa Office of the Ombudsman nitong Miyerkules ng umaga. “This is part of our quest for accountability and justice. Garci should be charged based on his sins against the people," inihayag ni Casiño. Ayon sa mga nagreklamo, dapat managot si Garcilliano sa paglabag umano sa Article 171 ng Revised Penal Code (RPC) na tumutukoy sa pagpapalsipika ng mga dokumento; Article 183 ng RPC para sa perjury, at sa mga probisyon ng Republic Act 8239 o Philippine passport law. Ayon sa mga mambabatas, may ilang ulit daw na nagsinungaling si Garcillano sa mga pagdinig ng Kamara kaugnay ang "Hello, Garci" scandal pitong taon na ang nakalilipas. Tinutukoy sa "Hello, Garci" scandal ang naka-record na pag-uusap ng lalaki at babae na hinihinalang sina Garcillano at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Tinalakay sa naturang pag-uusap ang mga boto sa 2004 presidential elections kung saan nanalo si Gng. Arroyo laban sa mahigpit niyang katunggali na si Fernando Poe Jr. Dahil sa naturang iskandalo, humingi ng tawad sa publiko ang dating pangulo dahil sa kanya umanong "lapse of judgement." Sa reklamo, nakasaad na sa isinagawang congressional inquiries noong Hulyo 2005, inihayag ni Garcillano na hindi siya umalis ng bansa. Ngunit may dokumento ang Department of Justice na nagsasaad na umalis ito ng bansa at nagtungo sa Singapore. Inakusahan din ng mga mambabatas si Garcillano sa pagbibigay ng pekeng passport sa pagdinig na nagpapakita na hindi siya umalis ng bansa. Ayon sa mga mambabatas, base ang kanilang akusasyon sa ulat na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong Pebrero 2006, kung saan nakasaad na ang passport na ipinasa ni Garcillano sa Kamara, “does not conform to the standards set by the BSP." Para kay Colmenares, inihain ang reklamo laban kay Garcillano upang pigilan siyang makalabas ng bansa at makatakas sa kasong poll fraud na kanyang maaaring harapin. Huling nakita ang dating poll executive sa Bukidnon noong Hulyo 2010 kung saan itinanggi niya ang kanyang kaugnayan sa poll fraud noong 2004 polls. “The important thing for now is for cases to be filed against him or he can leave the country and go scot free," ani Colmenares. Sa ilalim ng RPC, ang sinumang mapatunayang lumabag sa kasong perjury ay makukulong ng anim na buwan. Samantala, makukulong naman ng anim na taon ang mapapatunayang lumabag sa falsification of documents. -- Amanda Fernandez/FRJ, GMA News