ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Para makatulong sa ‘Sendong’ victims: Kasal nina Shalani at Rep Romulo, titipirin


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Simpleng pagkain lang umano ang ihahanda sa tinatayang 900 na magiging bisita sa pag-iisang dibdib nina Pasig Rep Roman Romulo at Valenzuela Councilor Shalani Soledad sa Enero 22 na gaganapin sa Cavite. Sinabi ni showbiz reporter Aubrey Carampel sa Star Bites ng GMA News TV Balitanghali nitong Biyernes, na puspusan na ang paghahanda sa kasal nina Rep. Romulo at Shalani na Saint Benedict Church sa Ayala Westgrove Heights, sa Silang, Cavite. Ang sikat na designer na si Inno Sotto ang gumawa ng bridal gown ni Shalani. Habang ang reception naman ay gaganapin sa Lake Side Garden sa Sta Rosa, Laguna Ngunit dahil ang bahagi ng orihinal na budget sa kasal ay ibibigay umano sa mga biktima ng bagyong “Sendong," simpleng Pinoy foods ang ihahanda sa mga bisita. “Gusto nga nila tapsilog e pero siyempre medyo January, nasa Christmas season pa tayo malamig, baka ‘pag tapsilog baka masyadong magsebo yung karne ‘pag ganun," paliwanag ng caterer sa kasalanan na si Florabel Yatco. “So meron kaming soap na chicken binakol, ‘yon yung may buko, buko juice. Tapos meron kaming bistek tagalog na for main course pero medyo sophisticated ang presentation," dagdag niya. Kabilang sa tatayong ninong at nina sa kasal ay sina Sen Panfilo Lacson, dating Las Pinas Rep Cynthia Villar at business tycoon na si Manny Pangilinan. Kasama sa mga inimbitahan ang dating nobyo ni Shalani na si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na hindi pa umano tiyak kung makadadalo sa naturang okasyon. Gayunman, nagpaabot na ng pagbati si Aquino sa nalalapit na kasal nina Shalani at Romulo. Nagtapos ang mahigit isang taong relasyon nina Shalani at Aquino, ilang buwan matapos na manalo ang binatang pangulo noong May 2010 elections. Samantala, noong Setyembre 2011 naman nang maibalita na engaged na sina Shalani at Romulo. Bagaman matatawag na short engagement ang nangyari sa dalawa, kapwa naman sila masaya sa kanilang pag-iisang dibdib. Sinabi ni Erwin Romulo, editor-in-chief ng Esquire Magazine, at kapatid ni Rep Romulo na very welcome sa kanilang pamilya si Shalani. Si Rep Romulo ay anak ni dating Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo. -- FRJimenez, GMA News