‘Pinas, 8th friendliest country sa mundo para sa expats -- survey
Ang Pilipinas ang pang-walo sa mga bansa sa mundo na itinuturing "friendliest" para sa mga expatriate o dayuhan, batay sa resulta ng isinagawang survey. Sa pag-analisa ng Forbes sa HSBC's Expat Explorer Survey na inilabas noong Disyembre 11, pang-walo ang Pilipinas sa nakakuha ng pinakamataas na boto sa mga tinanong. Ang boto ng mga respondents sa mga bansang kinaroroonan ay batay sa apat na kategorya: (1) Easy to befriend locals (2) Learn the local language (3) Integrate to local community, at (4) Fit into the new culture. Ang New Zealand ang lumitaw na nangunguna na listahan ng friendliest nation, at sinundan ng Australia at South Africa. Lumitaw sa ulat ng HSBC na 75% ng respondent sa New Zealand, 77% sa Australia, at 79% sa South Africa, ang nagsabing madaling makihalubilo sa local community ng bansang kinaroroonan nila. Ang New Zealand ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa lahat ng kategorya. Samantala, pang-11 ang Pilipinas sa ranggo ng mga bansa na makapagbibigay ng magandang kalidad ng pamumuhay sa mga expatriate. Minarkahan ng HSBC ang 31 bansa batay sa resulta ng survey na nilahukan ng 3,885 expatriates. Ang puntos ay ibinatay sa lagay ng ekonomiya ng bansa, kalagayan sa pagbuo ng pamilya at kanilang mga naging karanasan. Nasa pang-18 lang ang Pilipinas pagdating sa usapin ng ekonomiya, pero pang-apat naman sa magandang karanasan. Sa sub-categories, top rated ang Pilipinas sa “access to domestic staff and feeling welcome at work." Pumangalawa naman ang bansa sa listahan para sa mga dayuhan sa usapin ng, “to make friends, maintain work/life balance and have a social life." Pero mahina ang Pilipinas pagdating sa Healthcare (29th), organizing health care (26th), shops and markets (30th), culture (26th) at pang-27 sa local foods. Inilarawan ni Beth Greenfield ng Forbes na "friendly on wallets" ang Pilipinas dahil mas madali nilang maranasan dito ang maranyang buhay. Katulad ng pagkakaroon ng kasambahay, at ari-arian na maaaring mahigit pa sa isa. Kumpara sa nasa ibang bansa, hindi masyadong gumagastos ang mga expat na nasa Pilipinas pagdating sa accommodation, public transport, food at childcare. Narito ang Forbes' top 15 friendliest nation batay sa HSBC's survey: 1. New Zealand 2. Australia 3. South Africa 4. Canada 5. United States 6. Turkey 7. United Kingdom 8. Philippines 9. Spain 10. Malaysia 11. Brazil 12. Italy 13. Mexico 14. Singapore 15. France --– LBuan/FRJ, GMA News