GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Ang makulay na kasaysayan ng Sinulog sa Cebu  

January 14, 2012 3:41pm
Ang Sinulog ay isa, kung hindi man ang pinakamalaking selebrasyon na inaabangan ng mga Cebuano at ng mga deboto ng Señor Santo Niño.
 
Kapag pinag-uusapan ang Sinulog, ang makukulay na costumes at ang eggrandeng parada ang palaging pumapasok sa isipan ng marami. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, mas makulay ang kasaysayan ng pagdiriwang na ito.
 
Ang imahen ng Santo Niño ay isang baptismal gift ng Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan nang dumaong siya sa Cebu noong 1521.
 
Ibinigay niya ito kay Reyna Juana, ang asawa ng chieftain ng Cebu na si Rajah Humabon. Ang dalawa rin ang naging unang Kristiyano sa bansa.
 
Tanda rin ang imahen ang pagkakaibigan ng dalawang pinuno.
 
Ang imahe na 400 taon na ay dating itinatago sa simbahan ng San Agustin na mas kilala na ngayon bilang Basilica del Santo Niño at San Nicolas de Tolentino Church.
 
Paano nagsimula ang Sinulog?
 
Ayon sa paniniwala ng marami, pinasimulan ni Baladhay ang Sinulog. Isa siya sa mga nasasakupan ni Haring Humabon.
 
Minsan ay nagkasakit siya at nang inutos ng Hari na dalhin siya sa kwarto kung saan nakalagay sa altar ang imahe ng Señor Santo Niño, sinabi niya na doon na umano siya mamamatay. Iniwan siya ng mga tao habang siya mahimbing na natutulog.

Ngunit biglang nagkaroon ng kaguluhan sa nasabing kwarto at nakita ng mga tao si Baladhay na may hawak na itak habang kaharap ang Santo Niño.
 
Nang tanungin kung bakit ito may hawak na itak, idinahilan ni Baladhay na kinukulit siya ng bata habang siya ay natutulog.
 
Kuwento pa nito, kinikiliti siya ng bata gamit ang isang patpat. Sumayaw din umano ang pilyong bata habang iwinawagayway ang patpat at siya man daw ay napasayaw din.
 
Nawala lang umano ang bata nang dumating ang mga tao at nakita niyang bumalik ito sa altar. Dahil sa kwentong ito, pinapaniwalaan na sina Baladhay, kasama ang batang Santo Niño ang nagpasimula ng sayaw ng “sinulog”.
 
Ang Sinulog ngayon
 
Ang Sinulog ay isinasagawa tuwing ikatlong Linggo ng Enero kasabay ng kapistahan ng Señor Santo Niño de Cebu.
 
Ang sayaw ng Sinulog ay dalawang hakbang pasulong at isang paatras sa saliw ng nakakaindak na musika. Isa itong ritwal na nagpapakita ng Paganismo at ang pagtanggap ng mga Pilipino sa Kristiyanismo.
 
Sa paglipas ng taon, hindi na lamang sayaw ang ipinapakita dahil naging bahagi na rin ng pagdiriwang ang mga parada ng mga float, higantes at iba pang pakulo.
 
Naging pangunahing atraksiyon na rin ng turismo ang Sinulog na dinadayo ng mga turista, lokal man o dayuhan. -- Cris Abayon/FRJ, GMA News
Go to comments