GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

'Pag-ulan' ng isda sa Agusan Sur, ikinagulat ng mga residente

January 15, 2012 10:56am

Ikinagulat ng mga residente sa bayan ng Loreto Agusan del Sur ang biglaang pagkahulog ng mga isda mula sa ulap noong Biyernes ng umaga.

Hindi makapaniwala si Loreto Vice Mayor Jorge Legaspi sa naganap na "pag-ulan ng isda."

Aniya, "Dili ko halos katoo sa maong hitabo tungod kay halos 25 na ko katuig nanimuyo sa maong lungsod karon pa lamang nahitabo nga miulan ug isda."

(Hindi ako makapaniwala sa nangyari dahil sa loob ng 25 na taon kong paninirahan dito sa Loreto, ngayon pa lamang nangyari itong pag-ulan ng isda.)

Sa pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture, mayroong laki na tatlong pulgada ang mga isdang nahulog. Kulay dilaw ang balat nito na may itim na batik-batik.

Kasalakuyan pang pinag-aaralan ng BFAR ang mga isda upang matukoy kung anong klase ito; inilagay muna sa isang aquarium ang 72 piraso ng isda na kanilang nakuha mula sa mga bubungan ng mga bahay doon, at pinaniniwalaang kasama ang mga ito sa malakas na pagbuhos ng ulan. [Tingnan din sa: It's raining fish! It's natural]

Hindi pa matukoy kung ano ang naging sanhi sa biglaang pag-ulan ng mga isda ngunit ayon sa BFAR, maaaring may kinalaman ang malakas na pag-ulan sa naturang pangyayari.

Sa hiwalay na ulat ng Bombo Radyo, ipinaliwanag ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA)-Butuan Chief Engr. Lolit Binalay na ang pagkabuo ng isang waterspout dahil sa active formation ng cumulonimbus clouds, ang maaaring dahilan sa pag-ulan ng mga isda.

Ayon sa ulat, may kakayahang humigop ang isang waterspout ng mga particle, kabilang na ang isda, mula sa karagatan.

May nangyari rin umanong pag-ulan ng isda sa Lake Mainit sa Agusan del Norte ilang taon nang nakalilipas, ayon kay Binalay.

Sa isang radio report, inihayag ni BFAR Director Asis Perez na sa kanilang paunang pag-aaral, lumalabas na dalag o mudfish ang naturang mga isda.

Samantala, sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo kay C/Insp. Wilson Corpuz ng Loreto police office, sinabi niyang ikinagulat ng mga residente ang pag-ulan ng isda sapagkat malayo umano ang dagat at ilog sa kanilang lugar. Amanda Fernandez, Richard Grande /LBG/KG, GMA News
Go to comments




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus