ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

DOST at MMDA, nagsanib-pwersa upang ipatupad ang 'Water Level Monitoring System'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Bunsod ng matinding pinsalang tumama sa bansa nitong mga nakaraang taong dulot ng pag-ulan at pagbaha, inutos ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagtutulungan ng ilang ahensya ng gobyerno upang mapaghandaan ang mga susunod pang mga kalamidad.
Isinapapel nina Science Secretary Mario Montejo at MMDA chairman Francis Tolentino ang kanilang kasunduan para tutukan ang mga potensyal na pagbaha sa bansa.Amanda Fernandez
Napagkasunduan na ng Advanced Science and Technology Institute (ASTI) at  Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) ng Department of Science  and Technology (DOST), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang layuning mapabuti ang flood monitoring at forecasting sa bansa.
 
Pinirmahan nina Science Secretary Mario Montejo at MMDA chairman Francis Tolentino nitong Martes ng umaga ang memorandum of agreement na nagsasaad sa kanilang pagtutulungan sa proyektong "Water Level Monitoring System."
 
Sa sistemang ito, bubuo at magpapakalat ng mga flood gauging instrument sa mga critical flood prone na lugar sa Pilipinas upang mabantayan at ma-forecast ang pagtaas ng baha.
 
Sa kanyang talumpati, inihayag ni Tolentino, "Rest assured that [the] MMDA will support the endeavor, utos po ito ng ating mahal na Pangulo, and I hope we can craft a better mechanism and to elevate the bar higher in terms of warning our people."
 
Sa paggamit ng water level monitoring sensors (WLMS) at automated rain gauges (ARG), mabibigyan ng anim na oras na warning kung sakaling kakailanganin ilikas ang mga residente. Ayon kay Dennis Villorente, ASTI Director, mayroong halagang ang bawat WLMS ng Php 90K at ang bawat ARG naman ay P35K.
Listahan ng Water Level Deployment Sites mula sa DOST
 
Ayon kay Montejo, nauna nang ginamit ang mga sensor na ito sa Marikina River bago i-utos ng Pangulo ang paggamit nito sa iba pang riverside communities.
 
"Siguro dapat dumating sa yugto na napakataas ng level of confidence ng mga taga-Marikina, taga-Pasig, sa mga naninirahan sa malapit sa Tulyahan River, sa Valenzuela, sa Malabon, sa Navotas.
Hindi na dapat natin makita 'yung nangyari sa Cagayan de Oro at Illigan," ani Tolentino.
 
Maasahang magtatapos ang pagkakabit ng mga sensor sa mga riverside communities sa taong ito.
 
Maliban sa paggamit ng mga sensor, umaasa rin ang DOST na makumpleto nila ang isinasagawa nilang proyektong DREAM, isang 3D na mapa na magsasagawa ng simulation at visualization ng mga posibleng flood scenarios.
 
Ayon kay Montejo, maipapakita nito ang visualization ng parating na pagbaha at kung saan ito patungo.
 
Samantala, nanawagan naman si Villorente sa kooperasyon ng mga mamamayan sa pangangalaga sa mga ilalabas at ikakabit na mga sensor at equipment sa publiko. Aniya, dapat protektahan ito at huwag mag-vandalize. — RSJ, GMA News