Ang Babae Sa Septic Tank, out na sa Best Foreign Language category sa Oscar Awards
Hindi nakapasok ang entry ng Pilipinas na Ang Babae Sa Septic Tank sa siyam na pelikulang nakapasok sa short list na maglalaban-laban sa Best Foreign Language category sa Oscar Awards. Sa press statement na nakalagay sa website ng Academy of Motion Picture Arts and Sciences, inilabas ang siyam na dayuhang pelikula na nakapasok sa short list ng Best Foreign Language film para sa idaraos na 84th Academy Awards ngayong taon. Umabot sa 63 ang lahat ng pelikulang inilahok sa naturang kategorya mula sa ibat-ibang bansa, kabilang ang Ang Babae Sa Septic Tank, na pinagbibidahan ni Eugene Domingo. Ang pagganap ni Eugene sa Ang Babae Sa Septic Tank, ay nagbigay sa kanya ng pagkakataon para maging nominado sa Best Actress category sa 6th Asian Film Awards. Nominado rin sa Asian Film Awards para sa Best Screenwriter category si Chris Martinez, ang sumulat ng nabanggit na pelikula ni Eugene. Samantala, sinabi sa pahayag ng Academy Awards, na pinili ang mga pelikulang kalahok sa Best Foreign Language sa dalawang bahagi. Una, ang pagbuo ng komite na binubuo ng mga Los Angeles-based members, na sumala sa 63 pelikula noong Oktubre 2011 hanggang Enero 13, 2012. Pagkaraan nito, ang napiling anim na pelikula ay sinamahan ng tatlo pang pelikula na napili naman ng Academy’s Foreign Language Film Award Executive Committee, ayon sa pahayag. Mula sa siyam ay ibaba pa ang mga ito sa lima na pagpipilian ng specially invited committees sa New York at Los Angeles. Ihahayag ang mga nominado sa 84th Academy Awards sa January 24. – FRJ, GMA News