Petsa ng kasalang Romulo-Shalani, pinapaniwalaang suwerte
Sinadya raw na gawin sa disperas ng Chinese New Year ang kasal nina Pasig Rep Roman Romulo at Valenzuela Councilor Shalani Soledad sa Linggo dahil sa paniwalang suwerte ito. Sa ulat ni showbiz reporter Aubrey Carampel sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabi nito na handang-handa na ang pagdarausan ng kasal at reception sa Romulo-Soledad nuptial. Sa Saint Benedict Church sa Ayala Westgrove Heights, sa Silang, Cavite gagawin ang palitan ng “I do’s" ng magkasintahan, habang sa Lake Side Garden sa Sta Rosa, Laguna naman ang reception. Tinatayang 700 katao umano ang inaasahang bisita sa kasal na kinabibilangan ng mga personalidad mula sa showbiz at politics. Ayon sa wedding coordinators ng dalawa na nakapanayam ni Aubrey, hands-on at sina Shalani at Romulo mismo ang tumitingin sa ginagawang preparasyon sa kanilang kasal. Kuwento naman ni Inno Sotto, simple lang ang ginawa niyang wedding gown ni Shalani na ibinagay niya sa personalidad ng magandang konsehala. Ang five-layer wedding cake na banana walnut na mayroon Swarovski design ay gawa naman ni Penk Ching. Kabilang sa principal sponsors sa kasal ay sina Secretary Albert del Rosario, Ramon Ang, Ben Chan, Manny Pangilinan, dating Las Piñas Representative Cynthia Villar, at Senator Ping Lacson. Sinadya raw gawin sa disperas ng Chinese new year ang kasal dahil nais nina Romulo at Shalani na kasama nila ang kanilang mga bisita sa pagsalubong sa Year of the Dragon sa Lunes. At dahil aabutin ng hatinggabi ang reception, dalawang fireworks display ang isasagawa – isa para sa ginanap na kasalan at isa para sa pagsalubong sa bagong taon ng mga Chinese. -- FRJ, GMA News