ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Barangay, SK elections sa 2013, ipinauurong ng kongresista


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes para ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakdang gawin sa October 2013. Sa House Bill 5654, na inihain ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, iminungkahi nito na iurong ang naturang halalan sa huling Lunes ng October 2015. Layunin ng pagpapaliban na makatipid sa gastusin ang gobyerno at mabigyan ng sapat na panahon ang mga nakaupong lider sa mga barangay para matapos nila ang kanilang mga proyekto at programa. Bukod sa barangay at SK elections sa Oktubre, idaraos din ang mid-term elections sa Mayo sa 2013 kung saan maghahalal ng mga senador, kongresista at mga lokal na opisyal sa mga lalawigan, lungsod at iba pa. Batay umano sa pagtaya ng Commission on Elections (Comelec), kakailanganin ng ahensiya ang P15 hanggang P20 bilyong pondo para isagawa ang mid-term elections sa 2013. Hindi pa umano kasama sa naturang pondo ang gagastusin naman sa barangay at SK elections sa Oktubre nang nasabi ring taon. “It could be a safe bet to state that the upcoming 2013 barangay elections could top the 2010 spent for the barangay polls, which amount could be better spent for other government projects like construction of bridges, roads and other infrastructure projects, and even school buildings," ayon kay Rodriguez. “For a country whose budget deficit was estimated by the President to reach a record high of P349-billion by the end of the year, P3.6-billion (spent in 2010) is too high a price to spend on barangay elections," dagdag pa ng kongresista. Sa nakaraang May 2010 national elections, umabot umano sa P7.2 bilyon ang pinasok na kontrata ng Comelec para sa pagdaraos ng automated elections sa buong bansa, gamit ang mga PCOS machines. Sinabi naman ni Abante Mindanao party-list Rep Maximo Rodriguez, Jr., co-author ng panukala, hindi sapat ang tatlong taong termino ng mga barangay leader upang maipatupad at matapos nila ang mga nasimulang proyekto at programa. -- RP/FRJ, GMA News