4 na menor-de-edad na nanloob ng bangko sa Caloocan, huli
Nahuli ng mga pulis ang apat na kabataan na nanloob umano sa isang bangko sa Camarin, Caloocan nitong Sabado ng madaling-araw. Naalerto ang mga pulis na nilolooban ang bangko nang tumunog ang alarma nito. Nabulabog naman ang mga suspek na kumaripas ng takbo palabas bitbit ang nakuha nilang mga computer monitor at isang laptop na gamit ng mga teller. Ayon kay Police Officer Ferdie Balanay, nakapasok sa loob ng bangko ang mga kabataan sa pamamagitan ng pagsampa sa pader at gumawa ng butas sa bubong. Nahuli kaagad ang isang suspek na 14-anyos na nagtatago sa mataas na talahiban sa gilid ng bangko. Ang iba pa niyang kasamahan na may edad 15 at 16 ay nagawang makalayo hanggang Zapote Road pero nahuli rin ng mga pulis. Nabawi rin ang mga tinangay na gamit ng bangko. Dahil mga menor-de-edad, ipapaubaya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang apat. -- FRJ, GMA News