ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga dumayo sa Dinagyang Fest, stranded sa Iloilo airport ng walong oras


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Inihayag ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño ang kanyang pagnanais na maghain ng panukalang batas para sa karapatan ng mga pasaherong sumasakay ng eroplano.
 
Sa panayam ng GMA News Online, ibinunyag ni Casiño ang pagnanais na ito matapos niyang maranasan ang paghihintay ng halos sampung oras para sa kanilang flight mula Iloilo patungong Maynila sakay ang Cebu Pacific Air (CEB). "Though first time ko ma-experience, recurring complaint na kasi ito. Marami na akong narinig na reklamo from passengers," aniya. Si Casiño ay pumuntang Iloilo noong weekend upang dumalo sa Dinagyang Festival.
 
Aniya, 5:45 p.m. ng Linggo ang kanilang flight mula Iloilo ngunit 3 a.m. na ng Lunes sila nakarating ng Maynila.
 
Kwento ni Casiño, 7:35 p.m. na nang pinasakay ang mahigit 100 pasahero sa eroplano ngunit sapilitan din silang pinababa dahil sa nadiskubreng engine problem. Aniya, kinakailangan pa nilang maghintay hanggang maayos ang eroplano.
 
Samantala, sa press release na ipinadala ni Candice Iyog, official spokesperson ng CEB, sinabi nito na: "Cebu Pacific flight 5J458 from Iloilo to Manila was delayed last January 22, 2012 due to extended servicing of assigned aircraft. CEB arranged for an extra flight to accommodate guests, and provided for their needs."
 
Dagdag pa nito: "Guests were given the option to rebook their flights, request full refund or to put the value of their booking in a travel fund. CEB sincerely apologizes for inconvenience this may have caused our guests. We hope for our guests' understanding as their safety will remain CEB's primary concern."
 
Matapos ang halos limang oras na paghihintay, inihayag ng CEB officials na maaari nang sumakay muli sa eroplano ngunit nangamba naman ang ilang pasahero kung ligtas na ba ang pagsakay sa eroplanong ito.
 
Ngunit ayon kay Casiño, nag-alinlangan ang ilan na sumakay, at dahil dito, napilitan ang piloto na kausapin ang mga pasahero na ligtas na umanong sumakay sa kanyang eroplano. Ngunit aniya, labag umano sa batas ng kumpanya na kausapin ng mga opisyal ang mga pasahero tungkol sa mga detalye ng problema.
 
Sa talaga ni Casiño, 40 katao lamang ang pumayag na sumakay sa eroplanong ito. Aniya, may ilan pa ring nangambang sumakay kung kaya't minabuti na lamang ng mga opisyal ng kumpanya na gamitin ang kanilang maliit na eroplano upang dalhin ang 72 pasahero patungong Maynila. Mayroong 27 katao naman ang piniling maghintay na lamang ng ibang flight.
 
Ayon pa rin kay Iyog: "Flight 5J 458 utilizing Airbus 320 was ready to depart at approximately 11:30pm, but some passengers did not want to take the same aircraft. We arranged for an extra flight, 5J 4588, utilizing the ATR aircraft in order to accommodate passengers."
 
Aminado si Casiño na dahil sa polisiya ng kumpanya na nagbabawal na ipaliwanag ng mga opisyal sa mga pasahero ang mga detalye sa problema, nagkaroon ng failure of communication.
 
Sa batas na nais niyang ipanukala, maiiwasan umano ang pagiging abusado ng mga aircraft na kumpanya. Samantala, itinanggi naman ni Iyog na pinagbabawalan nila ang mga piloto na magbigay impormasyon sa naganap na insidente. Aniya, "There is no rule against pilots giving updates to passengers. We just have to ensure that all information given to passengers are accurate and up to date."— RSJ/HS, GMA News