ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Masaker sa Taguig City: 3 miyembro ng pamilya patay, 1 pa sugatan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tatlong miyembro ng isang pamilya sa Taguig City ang patay, habang isa pa ang sugatan matapos silang pagbabarilin ng suspek sa loob ng kanilang bahay nitong madaling araw ng Miyerkules. Sa ulat ng "Unang Balita" ng GMA News TV, sinabing naganap ang krimen sa Upper Bicutan area. Kinilala ang mga nasawi na sina Godofredo Rapales Jr., Norberto Rapales, at Flordeliza Rapales. Isinugod naman sa Philippine General Hospital ang sugatang si Miraflor Rapales, 20-anyos. Ayon sa kapatid ng isa sa mga biktima, bago ang pamamaril ay narinig niya ang kanyang kapatid na babae na nakikipagtalo sa live-in partner nito na nakilala sa pangalang Mark. Naganap umano ang pagtatalo sa ikatlong palapag ng kanilang tinutuluyan. Matapos ang pagtatalo, nakarinig na siya ng putok at nakita umano si Mark na bumaba sa ikalawang palapag at doon muling namaril ng mga biktima. Sa hiwalay na ulat ng dzBB radio, sinabing nagtalo umano ang dalawa dahil nais nang babae na makipaghiwalay na sa kanyang kalive-in, bagay na tinututulan umano ng suspek. Tinutugis na ng mga pulis ang nakatakas na si Mark. – FRJ, GMA News