Miriam, maagang umalis sa impeachment trial dahil sa hypertension
Napilitang umalis si Senator Miriam Defensor Santiago sa pagdinig ng impeachment ni Chief Justice Renato Corona matapos tumaas ang kanyang blood pressure. Ayon sa kanyang media relations officer na si Tom Tolibas, nilisan ng senador ang Senate session hall, kung saan nagaganap ang impeachment tiral, matapos siya makaramdam ng sintomas ng hypertension. Nagpatingin umano si Santiago sa Senate doctor na si Renato Sison Jr. sa Senate lounge at napag-alaman na tumaas ang kanyang blood pressure ng 180/90. Ayon kay Tolibas, umuwi agad si Santiago matapos ang checkup. Nakabalik na sa Senado nitong Martes si Santiago matapos ang isang linggong pagliban sa pagdinig ng impeachment ni Chief Justice Renato Corona. Simula noong Enero 16, hindi nakadalo si Santiago sa mga pagdinig dahil sa hypertension. Nauna na niyang inihayag na: "I am unable to discharge my duties because of the attendant dizziness, headache and nausea." Ipinangako rin niya ang kanyang pagbabalik trabaho matapos humupa ang kanyang hypertension. Sa impeachment trial nitong Huwebes, nagkainitan sina Santiago at prosecutor Arthur Lim dahil umano sa paghamon ng huli sa awtoridad ng senadora. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News