GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

War scene nina Edward Norton at Jeremy Renner sa The Bourne Legacy, kinunan sa Intramuros

January 26, 2012 10:18pm
Sumabak na sa shooting ang Hollywood actor na si Edward Norton kasama si Jeremy Renner sa Intramuros, Manila para kunan ang war scene ng action movie na The Bourne Legacy.

Sa ulat ni GMA News reporter Julius Segovia sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabi umano ni Jun Juban, local producer ng The Bourne Legacy, na flashback scene nina Edward at Jeremy ang kinunan sa makasaysayang Intramuros.

Sa flashback scene, palalabasin umano na ang Intramuros ay isang bansa sa South America na nahaharap sa digmaan. Kaya naman makikita sa set ng pelikula ang ilang trak na pandigma na nababalutan ng mga putik.

Tanging ang Intramuros umano ang palilitawin sa pelikula na hindi bahagi ng Maynila.

Dumating si Edward sa Pilipinas nitong Lunes. Samantala, nakaalis na ng bansa si Daniel "James Bond" Craig, matapos bumisita sa kanyang misis na si Rachel Weisz na kasama rin sa pelikula.

Bukod sa mga artistang kasama sa Hollywood movie, namataan din sa shooting area ang ilang local artists, kabilang ang mga Kapuso star na si Raymond Gutierrez at Solenn Heussaff.

Ayon kay Julius, hindi pa malinaw kung ano ang pakay ng pagbisita sa set ng mga local artist.

Sa Intramuros, inukupahan ng production team ng Bourne Legacy ang mga kalye na Sta Lucia at Real. Naging mahigpit din ang seguridad at binantayan ang bawat kanto kaya naman nahirapan ang media na makakuha ng larawan.

Ang labis na paghihigpit ay inireklamo rin ng Spanish print writer na si Eric San Juan.

Sa Biyernes ng umaga ay magkakaroon din ng shooting sa Pasay Taft, partikular sa Protacio at Zamora Sts, na dapat umanong iwasan muna ng mga motorista. -- FRJimenez, GMA News