No time for love: Richard Gutierrez, focus daw muna sa work at sports
Ngayong 2012, hindi raw alam ni Richard Gutierrez kung magkakaroon pa siya ng panahon sa lovelife dahil mahahati ang kanyang oras sa trabaho at sa paborito niyang sport ngayon, ang triathlon. “Right now I’m just really focus on my work," pahayag ni Richard kay showbiz reporter Lhar Santiaga sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes. Ayaw daw ni Richard na magkaroon ng distraction ngayong 2012, na sa pakiramdam niya ay magiging “big year" para sa kanya. Hindi pa man natatapos ang Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown, kung saan si Richard ang host, nakipagpulong na siya sa creative group ng GMA 7 para pag-usapan ang susunod niyang project. Ayon kay Richard, excited siya sa susunod niyang project sa GMA 7 na isang action-drama series na hindi pa raw niya nagagawa sa telebisyon. Naisapinal na umano ang istorya ng serye at casting at location na lang ang pag-uusapan. Bukod sa trabaho, magiging abala rin si Richard sa sports dahil determinado siyang sumali sa itinuturing isa sa mga pinakamalaking sport event ngayon sa bansa, ang Ironman Triathlon. Last year pa nagsasanay si Richard sa naturang sport at magpapatuloy ang kanyang training ngayon taon at pagsali sa ilang paligsahan kaugnay nito. Samantala, deserving daw kung sino man sa limang natitirang celebrity castaways ang magwawagi bilang Celebrity Sole Survivor, ayon kay Richard. -- FRJimenez, GMA News