Kongresista, hiniling sa Ombudsman na imbestigahan si Midas Marquez
Nais ng isang kongresista na imbestigahan ng Office of the Ombudsman ang tagapagsalita at administrador ng Korte Suprema na si Midas Marquez. Sa kanyang sulat kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, sinabi ni Akbayan Party-list Rep. Walden Bello, na dapat imbestigahan si Marquez kaugnay sa posibleng iregularidad umano sa pagpapatupad at pamamahala sa Judicial Reform Support Project, at maaaring pag-abuso sa kanyang posisyon. “Hindi lang si Chief Justice (Renato) Corona ang kailangang managot sa taong bayan… To restore the integrity to the Supreme Court, it is imperative that we also make Corona’s henchmen accountable for their transgression, una na sa lahat ang kanang kamay ni Corona na si Atty. Midas Marquez," ayon kay Bello. Idinagdag ng kongresista na sinayang ni Marquez ang pagkakataon na maipakita sa publiko ang tapat ang pagsisilbli dahil magmistula umano itong tagapagsalita mismo ni Corona. “All the while that the Filipino people were demanding that Corona be made accountable for his blatant disregard of the people’s interest, Marquez took it upon himself to defend the Chief Justice. He was not speaking for the integrity of the High Court, he was very partisan to the interests of Corona," ayon kay Bello. Si Corona ay nahaharap sa paglilitis ng Senate impeachment court dahil sa mga alegasyon ng katiwalian, pagtataksil sa tiwala ng publiko at paglabag sa Saligang Batas. Ang mga akusasyon ay mariin namang itinanggi ni Corona. Inakusahan din ni Bello na si Marquez ang nasa likod ng pagdaraos ng court holiday o pagtigil ng trabaho sa mga hukuman para maipakita ng mga manggagawa sa korte ang suporta kay Corona. “Nakapagpa- court holiday pa nga siya para ipagtanggol si Corona laban sa impeachment, samantalang ayon sa batas, bawal gumamit ng tauhan, opisina at iba pang resources ng gobyerno para depensahan ang isang opisyales na nahaharap sa impeachment," pahayag ng mambabatas. Dapat din umanong silipin ng Ombudsman ang partisipasyon ni Marquez sa pamamahala sa Judicial Reform Support Project na pinondohan sa pautang ng World Bank. Binigyan-diin ni Bello ang ulat ng WB na pumuna sa posisyon ni Marquez bilang Court administrator, pinuno ng Public Information Office at chairman ng Bids and Awards Committee na umano’y dahilan ng “breakdown in internal controls and ineligible expenditures" na nagkakahalaga ng $199,000.00 o P8.6 million. “It is important for Marquez to be made accountable to these allegations, especially as the Filipino people stand to lose P8.6 million to yet another instance of corruption even as the nation is buried further into debt," anang kongresista. Naunang inihayag ni Marquez noong January 22 na “highly malicious and reprehensible" ang akusasyon na ginamit niya ang kanyang posisyon kaugnay sa pondo inutang sa WB. Sa kanyang pahayag, iginiit ni Marquez na walang discrepancies o maling paggamit sa halos $200,000 loan, at naaayon umano sa itinatakda ng WB ang mga pinaggamitan nito. - RP/ FRJ, GMA News