Imbestigasyon sa pagbili ni Llamas ng pirated discs, sinimulan na
Nanatiling tahimik pa rin ang Malacañang nitong Linggo sa nagaganap na imbestigasyon kay presidential political adviser Ronald Llamas, na nahuling bumibili ng pirated discs sa Quezon City noong nakaraang linggo. Ipinangako naman ni Deputy presidential spokesperon Abigal Valte na agad na ipaaalam ng Palasyo sa media ang resulta ng imbestigasyon. “Siguro by next week meron nang notice sa kanya... Sandali lang ‘yan but I won’t want to give a definite date. Ang notice ‘pag lumabas na ibabahagi namin sa inyo,” pahayag ni Valte sa dzRB radio. Nauna nang naharap si Llamas sa kontrobersya noong nakaraang taon nang mahuli ang kanyang SUV na may laman na high-powered firearm. Sinundan naman ito nang mahuli siyang bumibili ng pirated discs kamakailan, sa gitna ang puspusang kampaya ng pamahalaan laban sa piracy. Nang tinanong kung sino ang humahawak sa imbestigasyon, sinabi ni Valte na hindi umano ipinaalam sa kanila. “Sabi sa amin may na-assign pero hindi sinabi sa amin sino. Hintayin natin. Ang assurance sa amin gumugulong na ang investigation," aniya. Llamas, hindi muna pagbibitiwin Ayon kay Valte, hindi muna pagbibitiwin ng Palasyo si Llamas sa kanyang puwesto bilang presidential political adviser sapagkat nais nilang hintayin ang resulta ng imbestigasyon. “Naintindihan natin na maraming sector ang nanawagan sa "ouster" ni Secretary Llamas dahil sa insidente sa pirated DVD (digital versatile disc). Gumugulong ang investigation at hintayin natin ang magiging resulta,” aniya. Hindi rin umano niya alam kung naka-usap na ni Llamas si Pangulong Benigno Aquino III tungkol sa insidente. Kilalang malapit si Llamas kay Aquino sa pareho nilang pagkawili sa mga firearm. Inihayag din ni Valte na marami pang ibang bagay na mas kinakailangang bigyan ng pansin ng Pangulo. 'Tuwid na daan' Samantala, sinagot naman ni Valte ang panawagan ni retired Archbishop Oscar Cruz na huwag nang gamitin ang "tuwid na daan (straight path)" bialng slogan ng administrasyong Aquino dahil sa pagkakamali ni Llamas. “Kung totoo yan, hindi na dapat nagpatawag ng investigation kung maniniwala tayo sa statement na ‘yan ... (H)uwag natin pangunahan at tingnan natin ang magiging resulta ng imbestigasyon,” aniya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News