ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bilang ng mga testigo sa Corona trial gustong pabawasan ni Miriam


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Upang maiwasang tumagal masyado ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, iminungkahi ni Sen. Miriam Defensor-Santiago nitong Linggo na bawasan ang mga testigong ipapatawag ng magkabilang panig. Ani Santiago, hihilingin niya sa prosecution at defense sa Lunes na magpasa ng panibagong listahan ng kanilang mga testigo at dokumentong gagamitin. “Una kong gagawin sa Lunes, tatanungin ko ang dalawang abogado ng dalawang panig na mag-submit sila ng panibago. Kung nag-submit ng unang listahan ng testigo, mag-submit ng panibago at isulat kung corroborative ang witness para maintindihan namin,” sabi ni Santiago sa panayam ng dzBB radio. Ayon kay Santiago, maaari umanong umabot ng apat na buwan kung 90 testigo ang kanilang ipatatawag, lalo na kung mahigit isang araw ang nakalaan sa bawat testigo. “Kailangan maintindihan ng impeachment court, ng senador at publiko, na sa ating Rules of Court, may batas na kaya ng korte ihinto ang pagbigay o paglabas ng testigo,” anang senador. Sa ilalim ng Section 6 ng Rules of Court, may kakayahan ang korte na ipatigil ang paglabas ng ebidensya o huwag payagan ang paglabas ng isang testigo. “The court may stop the introduction of further testimony upon any particular point when the evidence upon it is already so full that more witnesses to the same point cannot be reasonably expected to be additionally persuasive. But this power should be exercised with caution,” ayon nito. Ayon kay Santiago, na isang dating trial court judge, wala sa paramihan ng testigo ang ikapapanalo ng isang kaso kundi sa tibay ng kanilang mga testimonya. “Hindi kailangan damihan nang damihan ang testigo,” aniya. “Kung naka-testify ang isa sa isang bagay, kung corroborative witness ka isa lang hindi 10 na pare-pareho ang sinasabi nila.” Carpio vs. Corona Samantala, tumanggi si Santiago na magkomento sa mga ulat na isa sa mga testigong ipatatawag ng prosecution ay si Supreme Court Justice Antonio Carpio, ang kalaban umano ni Corona sa posisyon. Aniya, maaari umanong i-object ng defense si Carpio bago i-invoke ang “confidentiality rule” o maghain ng motion to quash the subpoena.   “The defense will have to be given a chance to object to every single witness, kaya pwede rin gumawa ng general objection with respect to all justices,” sabi ni Santiago. Samantalaga, hinggil naman sa media personalities na balak ipatawag ng prosekusyon, inihayag ni Santiago na walang kapangyarihan ang korte na utusan ang media na ilahad ang kanilang mga sources. - KBK, GMA News