PNoy may tiwala pa rin kay Llamas sa kabila ng 'pirated DVD mess'
Mananatili sa posisyon si presidential political adviser Ronald Llamas habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pagbili umano niya ng pirated video discs sa Quezon City na nagkahalaga ng P2,000, ayon kay Pangulong Benigno Aquino III nitong Miyerkules. Ayon kay Aquino, papayagan niyang manatili si Llamas sa posisyon sapagkat hindi umano konektado ang DVD na kontrobersya sa opisyal na tungkulin ng presidential political adviser. “He still performs the roles that he was brought into the Cabinet for. Therefore, he does enjoy the trust,” aniya. Inihayag ni Aquino, na nauna nang humingi ng tawad si Llamas sa naganap na insidente. Sa isang-pahinang written explanation, sinagot ni Llamas ang mga paratang na nakasaad sa memorandum na inihain ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. noong ika- 27 ng Enero. Sa memorandum na inilabas noong Enero 27, inutusan ni Ochoa si Llamas na: "explain in writing within five days from receipt hereof why no administrative disciplinary proceedings should be taken against you.” Si Ochoa ang inatasang mamumuno sa imbestigasyon laban kay Llamas, ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte. Lumabas ang kanyang paliwanag limang araw matapos nahilathala sa isang national broadsheet ang retratong nagpapakita sa pagbili ni Llamas ng mga pirated DVD sa isang stall sa Circle C mall. Samantala, ayon sa Pangulo, inaasahan niyang magsusumite ang committee ng imbestigasyon ng kanilang report at recommendation kay Llamas sa linggong ito. Nauna nang naharap si Llamas sa kontrobersya noong nakaraang taon nang mahuli ang kanyang SUV na may laman na high-powered firearm. Sinundan naman ito nang mahuli siyang bumibili ng pirated discs kamakailan, sa gitna ang puspusang kampaya ng pamahalaan laban sa piracy. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News