Grace Lee, naipakilala na ni PNoy sa mga kapatid; Ate Pinky, masaya para sa pangulo
Inihayag ng Kapuso host na si Grace Lee na nasa “getting to know you stage" pa lang sila ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Sa ulat ng GMA News TV State of the Nation nitong Miyerkules ng gabi, nilinaw din ng 29-anyos na si Grace na bago pa lang silang nagkikita ng 51-anyos na binatang pangulo. Bagaman una silang nagkita at nagkakilala sa isang pagtitipon sa Cebu noong June 2011, sinabi ni Grace na hindi naman iyon nasundan kaagad ng komunikasyon. “Very recently lang talaga, very recently. Because after the whole Cebu thing there was nothing, no communication there’s no opportunity for me to meet him again,” paliwanag ng Kapuso host. “We've been dating for a short while. We're in the stage of getting to know each other," dagdag pa niya. Nakilala na rin umano ni Grace ang dalawa sa apat na kapatid na babae ni Aquino, na sina Ballsy Aquino-Cruz at Pinky Aquino-Abellada. Nangyari daw iyon nang isama siya sa birthday party ng isa sa mga brother-in-law ng pangulo. Ang dalawa pang kapatid ni PNoy na hindi pa nakikilala ni Grace ng personal ay sina Viel Aquino-Dee at ang bunso sa magkakapatid na si Kris Aquino. Sa pagbubukas naman ng ilang silid-aralan sa South Cotabato na pinasinayaan ni Pinky, tila nagpahayag naman ito ng suporta sa namumuong romansa nina PNoy at Grace. “I’m happy for him, masaya ako kapag masaya ang kapatid ko," nakangiting pahayag ni Pinky. Umaga nitong Miyerkules, nang mapaamin ng mga mamamahayag si PNoy tungkol sa pagde-date nila ni Grace na unang napag-usapan noong nakaraang linggo. -- FRJimenez, GMA News