ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Doctor: Gng. Arroyo kailangan pa ng physical therapy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maaaring hindi pa handa si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ilipat mula sa hospital tungo sa isang regular na detention cell dahil kailangan pa niya ng physical therapy, ayon sa kanyang duktor nitong Biyernes. Ito ang pahayag ni Dr. Antonio Sison sa harap ng Pasay City Regional Trial Court sa pagdinig sa hiling ng Commission on Elections sa paglipat kay Arroyo sa isang kulungan. Bagaman nag-improve na ang lagay ng dating pangulo, may osteoarthritis pa umano ito at kailangan pa niyang sumailalim sa physical therapy, ayon kay Sison sa ulat ni Sam Nielsen ng dzBB. Nauna nang hiniling ng Comelec, na nagsampa ng kasong electoral sabotage laban kay Arroyo, na ilipat ang dating lider sa isang regular na detention cell mula sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) kung maayos na ang kanyang kalusagan. Nanatiling naka-detain si Gng. Arroyo sa VMMC sa Quezon City mula pa noong Dec. 9, matapos siyang ilipat doon mula sa St. Luke's Medical Center in Taguig City. Si Gng. Arroyo ngayon ay miyembro ng House of Representatives bilang kinatawan ng second legislative district ng Pampanga. Samantala, dumalo naman sa isang Misa na ginanap malapit sa Pasay court ang mga taga-suporta ni Arroyo nitong Biyernes para ipakita ang kanila umanong pagmamahal sa dating pangulo. — LBG, GMA News