Americal Idol finalist na si Adam Lambert, bagong lead vocalist ng bandang 'Queen'?
Ang American Idol finalist na si Adam Lambert ang iniulat na bagong lead vocalist ang sikat na bandang "Queen", ayon sa GMA News TV’s Balitanghali nitong Sabado. Kung mangyayari ito, papalitan ni Lambert sa puwesto si Paul Rodgers, na kumalas sa grupo noong 2009. Mula noon ay iniulat na naghahanap na ng bagong vocalist ang banda. Gayunman, iniulat sa website ng Rolling Stone Music na hindi pa kumpirmado kung makakasama nga si Lambert sa gagawing pagtatanghal ng Queen sa Sonisphere. Nagbigay din ng paglilinaw si Adam sa kanyang Twitter account: "Them clever reporters takin my quotes outta context ... I haven't confirmed any guest appearances. I was talking about the EMAs." Dagdag pa ng AI finalist: "That being said, I'm truly flattered by your jump to such glorious conclusions." An orihinal na vocalista ng banda na si Freddie Mercury ay pumanaw noong November 1991 dahil sa karamdaman. Ilan sa mga pinasikat na kanta ng bandang 'Queen' na kasama si Mercury ay ang “We Are the Champions" at "Bohemian Rhapsody". -- FRJ, GMA News