ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Red Tide alert: Pagbili ng shellfish sa palengke ng Bani, Pangasinan, ipinagbawal muna


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ipinayo ng isang opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Pangasinan na huwag munang bumili ng mga shellfish sa pamilihan sa bayan ng Bani matapos magpositibo sa red tide toxin ang bahagi ng Wawa River. Ayon kay Director Westly Rosario ng BFAR, apektado ng red tide ang mga nakukuhang shellfish katulad ng tahong, lokan, talaba at kabibe. Kasama rin ang alamang na maaaring maghatid ng pagkalason sa sinumang kakain nito. Paliwanag ng opisyal, ang pagiging maalat at mababaw ng Wawa River ang isa sa mga dahilan kung bakit taun-taon na lang nagkakaroon ng red tide sa lugar. “Sa part kasi na iyon malapit din sila sa asinan tapos may mga cage pa doon, so hindi umaagos ang tubig," paliwanag ni Rosario. Kapag nakaranas ng pag-ulan ay posible umanong mawala ang red tide. Kung hindi naman, tinatayang isa o dalawang linggo ang kailangang hintayin bago mawala ang red tide toxin. Dadaan sa tatlong magkakasunod na pagsusuri ang mga shellfish, at kailangang magnegatibo ito sa red tide toxin bago maglabas ng bagong advisory ang tanggapan ng BFAR kung maaari nang kainin ang mga yamang-tubig. Samantala, bagamat shellfish at alamang lang ang apektado ng red tide toxin, nalulugi na maging ang mga nagtitinda ng isda. Ilan sa mga tinderang nakausap ng GMA News ay nagsabing kakaunti umano ang bumibili ngayon ng isda at shellfoods dahil na rin sa takot ng mga mamimili sa red tide. – SFinuliar/GLCalicdan/FRJ, GMA News