Suspek na nakunan sa CCTV camera na nanagasa at nanaksak sa nobya, humingi ng patawad
Nagsisisi na umano ang Chinese national na dinakip ng mga pulis dahil sa ginawang pagsagasa at pananaksak sa kanyang kababayan at dating nobya na nakunan sa close-circuit television (CCTV) camera. Sa ulat ng GMA News TV Balitanghali nitong Sabado, sinabi ng suspek na si Gong Shu Yang, 26-anyos, na ngayon lang niya nabatid na mali ang kanyang ginawa. At nang hingan ng pahayag kung ano ang mensahe nito sa pamilya ng kanyang biktima, sinabi nito sa wikang Filipino na: “Ngayon ako alam, ako hindi tama gawa. Sabi lang, sorry na lang." Sa tulong ng Chinese Embassy, naipaabot na umano sa pamilya ng biktima ang masamang nangyari dito. Sa kuha ng CCTV camera, nakita ang suspek at biktima na nagtatalo sa labas ng kotse sa Roxas Blvd sa Maynila. Hindi nagtagal ay sumakay sa kotse ang lalaki at iniatras ang sasakayan. Tumayo at humarang naman sa kalsada ang babae at sinagasaan ng kotse na minamaneho ng suspek. Pero hindi pa rito nagtapos ang kalbaryo ng biktima dahil binabaan pa siya ng suspek at sinaksak, bago muling sinagasaan at saka tumakas. Dahil nakunan sa CCTV camera ang plaka ng kotse, natukoy at nahuli ang suspek. Sa imbestigasyon na ginawa ni police senior inspector Joey de Ocampo, lumilitaw na pera ang dahilan ng pag-aaway ng dalawa. “Ayon sa suspek sinisingil siya ng former gf niya ng 1.3 something million na itinakbo niya during nung nasa Mainland China sila… yun nga hinabol siya (sa Pilipinas)," ayon kay De ocampo. Idinagdag ng opisyal na pinalilitaw ng suspek na “inunahan" lang niya ang dating nobya dahil nagbanta umano ang biktima na ipapapatay siya at ang kanyang mga magulang. -- FRJ, GMA News