Palasyo, 'di tutol sa pananatili ni Arroyo sa ospital
Hindi tumututol ang Malacañang sa rekomendasyon ng Department of Interior and Local Government at ng Philippine National Police na payagang manatili si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center. Sinabi rin ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na ipinaubaya na ng Palasyo sa DILG at PNP ang pangangalaga sa seguridad ni Gng. Arroyo, kasalakuyang congresswoman ng second district ng Pampanga. “When it comes to matters of securing the former president, hinahayaan ni President Benigno Aquino III ang DILG at PNP na magdesisyon," ani Valte sa panayam ng dzRB radio. Ayon sa kanya, naiintindihan ng Palasyo ang pagiging maingat ng PNP sa kalagayan ng dating Pangulo. Aniya, ayaw nilang masisi ang PNP kung may masamang mangyari. Kasalukuyang naka-hospital arrest si Arroyo sa VMMC sa Quezon City, kung saan siya nananatili mula pa noong Disyembre 9. Dinala siya rito mula St. Luke's Medical Center sa Taguig City. Humaharap ang dating pinuno ng kasong electoral sabotage, isang non-bailable offense. Naghain ang Pasay City Regional Trial Court ng arrest warrant laban sa kanya dahil sa naturang kaso. Nauna nang inihayag ng Commission on Elections ang kanilang pagnanais na ilipat sa regular na detention facility si Arroyo sapagkat bumubuti na umano ang kalagayan nito. Sa pagdinig ng petisyon ng Comelec sa paglipat kay Arroyo, sinabi ng duktor hindi pa maaaring ilipat sa ngayon ang dating pangulo dahil kinakailangan pa niyang tapusin ang regular na physical therapy. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News