Palasyo nagbabala laban sa mga ispekulasyon sa hatol kay Corona
Binalaan ng Malacañang ang publiko nitong Linggo na huwag gumawa ng ispekulasyon sa kahihinatnan ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, kasalakuyan pang pinag-aaralan ng Senado, tumatayong impeachment court, ang una sa walong articles of impeachment. “Siguro at this point medyo speculation pa ito. Nasa Article 2 pa lang ang trial, may pito pang naghihintay na maisasalang. Let’s defer judgment on this, ongoing pa ang trial,” pahayag ni Valte sa panayam sa dzRB radio. Tinutukoy ni Valte ang naging artikulo ni Sen. Francisco Tatad, kung saan kanyang inilahad na maaaring maakusahan si President Benigno Aquino III na isang "lame duck president" kung mapawalang-sala si Corona. Samantala, tikum ang bibig ni Valte sa ulat na may ilang survey na umanoy nagpapakita na karamihan sa mga Pilipino ay pabor sa Corona acquittal. “Baka pwede banggitin kung ano ang survey na ito. Di ko alam anong survey SWS or Pulse Asia, we’d like to see more details before we make any comment on that,” aniya. Samantala, inihayag ni Valte na may ilan pang mga "ebidensya" ang ihahain ng prosecution sa mga sumusunod na araw. Aniya, hiniling na ng prosecution na makakuha ng kopya ng bank records ni Corona. Dagdag pa niya, maaari ring bumalik si Bureau of Internal Revenue commissioner Kim Henares sa witness stand para sa cross-examination ng defense. “At this point medyo premature pa dahil nakikita natin unti-unti pang tinatahi ang kaso,” aniya. Nakasaad sa Article II ng impeachment complaint ang pag-akusa kay Corona sa hindi niya paglalahad sa tunay niyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). — Amanda Fernandez /LBG, GMA News