Panibagong round ng voters' registration sa ARMM hiling ni Robredo sa Comelec
Hiniling ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo na magsagawa muli ang Commission on Elections (Comelec) ng isa pang voters' registration sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) bilang paghahanda sa eleksyon doon sa susunod na taon. Sa liham na ipinadala ni Robredo kay Comelec Chairman Sixto Brillantes noong nakaraang linggo, nakasaad na makatutulong ang panibagong round ng voters' registration sa pagreporma ng ARMM. “The need for a new round of registration is brought by the desire of the President to rid the area of vestiges and illegal operations institutionalized by the former administration that resulted to massive fraud and large-scale disenfranchisement of many bona fide and legitimate voters,” ani Robredo sa isang pahayag nitong Linggo. Hinikayat din ni Robredo ang Comelec na bantayan ang mga election officer na nakatalaga sa ARMM lalo na 'yung mga kasabwat umano sa pandarayang naganap sa mga nakaraang eleksyon. “We will find it difficult to generate success if the same unscrupulous election officers will be allowed to remain in their posts,” ani Robredo. Hiniling din niya sa Comelec na gumawa ng paraan para mabigyan ng pagkakataon ang mga residente ng ARMM na magsampa ng kaso sa sinumang gumagawa ng anomalyang may kinalaman sa eleksiyon doon. Nakatakda sanang isagawa ang ARMM elections noong Agosto ng nakaraang taon, ngunit inilipat ito sa Mayo 2013 matapos lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act 10153, kung saan pormal nang ipinagliban ang eleksyon sa nasabing rehiyon. Nitong Disyembre 2011, hinirang ni Aquino si dating Anak Mindanao party-list Rep. Mujiv Hataman bilang officer-in-charge governor ng ARMM. Binuo ang ARMM noong 1989 na pinapatibay ng Republic Act 6734 o Organic Act, na kinabibilangan ng mga probinsya ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Tawi-tawi at Sulu. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News