Panalo ni Donaire vs Vazquez ikinatuwa ng Palasyo
Binati ng Malacañang nitong Linggo ang boksingerong si Nonito "The Filipino Flash" Donaire matapos niyang talunin si Wilfredo Vazquez Jr. ng Puerto Rico sa kanilang laban sa San Antonio, Texas. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, sa pagkapanalo ni Donaire, lalong makikilala ang Pilipinas sa larong boxing. “Congratulations sa ating Filipino Flash si Nonito Donaire, pang-apat na ito na kanyang WBO title. Mukhang nakakabal natin ang mga belt," ani Valte sa panayam ng dzRB radio. Dagdag pa niya, tunay na dapat ipagmalaki ng bansa si Donaire, lalo pa’t “avid boxing fanatics” ang maraming Pilipino. Ayon pa kay Valte, ang pagkapanalo ni Donaire ay dagdag sa karangalang dala ni Filipino boxing icon at Sarangani Rep. Emmanuel "Manny" Pacquiao, na naging world champion na rin sa iba't ibang weight classes. “This is something that would bring happiness and pride again to our country," sabi ni Valte. Nakamit ni Donaire (28-1, 18 KO) ang WBO super bantamweight title via split decision laban kay Vasquez bagama’t nagkaroon ng injury ang kaliwa niyang kamay sa kasagsagan ng laban. Sa ulat ng boxing site na BadLeftHook.com, ang official scores ay 117-110 at 117-110 para kay Donaire, at 115-112 naman para kay Vazquez. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News