ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mahigit 700 aftershocks, naitala sa Visayas — Phivolcs 


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Inihayag ng mga state seiemologist na mahigit 700 aftershocks na ang kanilang naitala nitong Martes ng umaga kasunod ng magnitude-6.9 lindol na tumama sa Visayas nitong Lunes.
 
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology seismologist Winchell Sevilla, as of 7 a.m. ng Martes, naganap nitong Lunes ng gabi ang pinakamataas nilang naitalang aftershock, na may sukat na magnitude 6.2.
 
"Expect natin sa mga susunod na araw at perhaps sa susunod na linggo magkakaroon ng aftershock sa vicinity ng epicentral area," inihayag ni Sevilla sa dzBB radio.
 
Ayon sa mga state seismologist, matatagpuan ang epicenter ng lindol sa dagat na pagitan ng Negros Island at Cebu.
 
Sa ulat ng radio dzBB, inihayag ng Phivolcs, as of 6:30 a.m., umaabot na ng 734 na aftershocks. 55 sa mga ito ay naramdaman sa Negros at iba pang mga lugar.
 
Casualties
 
Inihayag naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na as of 12:30 a.m. ng Martes, tumaas ang death toll sa 15, habang mahigit 29 pa rin ang nawawala at hinihinalaang patay.
 
Sa kabilang banda, ayon sa mga opisyal ng militar, umaabot na ng 43 ang patay nitong Lunes, at 29 naman ang patay dahil sa landslide.
 
Don't panic
 
Payo ni Sevilla, huwag mag-panic kapag may maganap na aftershock. Dagdag nito, kinakailangang ayusin ng mga residente ang kanilang mga gamit sa bahay na maaaring mahulog at magpahamak sa mga residente habang nagaganap ang lindol.
 
Dagdag nito, huwag umano agad bumalik sa mga gusaling naapektuhan ng lindol.
 
"’Yung unang dapat gawin, huwag mag-panic at siguraduhin nating secure ang bagay na pwedeng bumagsak. Ang structure na may minor damages during main shock ipasuri muna kung safe gamitin," aniya.
 
Hindi naman siya nakapagbigay ng definite timetable kung kailan matatapos ang pagkakaroon ng mga aftershock.
 
"Hindi natin masabi ang exact date or time pero expect natin in a few days or weeks," aniya.
 
Sa hiwalay na ulat ng radio dzBB, hiniling ng NDRRMC sa mga residente na huwag agad bumalik sa kanilang mga bahay na napinsala dulot ng lindol.
 
Scam text
 
Samantala, binalaan ni Phivolvc head Renato Solidum Jr. ang mga residente sa Visayas na huwag agad na maniwala sa mga text message nitong Lunes na naghahayag sa pagsabog ng isang kalapit na bulkan dahil sa lindol.
 
"Minsan ang isang bulkan kahit may malakas na lindol kung walang magma sa ilalim na ready to erupt, ‘di siya mag-a-activate o magpapakita ng abnormality," aniya.
 
Giit niya, huwag maniwala sa mga text message na nagsasaad sa pagsabog ng bulkan dahil sa lindol nitong Lunes.
 
"Sana ang ganyang information ay sa official organizations tulad ng Phivolcs [i-verify]," aniya.
 
Kasalakuyan pa nilang mino-monitor ang lugar para sa mga aftershocks.
 
Ayon kay Solidum, inatasan na ng Phivolcs ang isang team na magbantay sa mga paglindol sa Negros. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News