ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dagdag na kaso vs Palparan, inihahain ng isang grupo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

MALOLOS CITY — Inaasahang madagdagan ang mga kasong haharapin ni retired Army General Jovito Palparan, na ngayon ay patuloy pang hinahanap ng mga awtoridad matapos iutos ng Bulacan court ang pag-aresto sa kanya.   Sa meeting ng "Jail Palparan" movement noong Lunes, nagdesisyon ang mga grupong kasapi nito na pag-aralan ang dagdag pang mga kasong nais nilang isampa laban sa dating Army official.  Ayon kay Atty. Edre Olalia ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), nagka-isa ang mga nabiktima ni Palparan mula Central Luzon na ipunin ang mga kasong isasampa laban sa dating heneral.  Bukod sa Central Luzon, inaasahan ding makikilahok ang mga nabiktima ni Palparan mula Visayas at Mindanao sa pagsampa ng karagdagan mga kaso. Aniya, panahon na umanong pagbayarin si Palparan sa kanyang paglabag sa karapatang pantao.   Batay sa tala ng human rights group na Karapatan-Central Luzon, mula sa panunungkulan ni Palparan bilang commanding general ng 7th Infantry Division noong Setyembre 2005 hanggang Setyembre 2006, umaabot sa 91 ang naging biktima sa extrajudicial killings sa rehiyon, at tinataya namang 48 na kaso ng enforced disappearance.   Sa kabila nito, nilinaw ni Olalia na hindi lahat ng ito ay maaaring maisampa laban kay Palparan.   Aniya, susuriin nila ang mga kaso batay sa tatlong pamantayan:

  • pagsang-ayon ng survivor o kapamilya ng biktima;
  • pagkakaroon ng matibay na ebidensiya;
  • pagkakaroon ng saksi.
Samantala, hinikayat ng Malacañang si Palparan na sumuko na lalo pa’t may manhunt operation na rin laban sa kanya ang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA).   “Considering what the other alternatives are in light of recent events, yes, to surrender will be his best option,” ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa isang press briefing noong Martes.   Dagdag pa ni Valte, handa ang pamahalaan na bigyan proteksiyon si Palparan, na nadawit sa pagkawala ng dalawang University of the Philippines (UP) students noong 2006. Sa isang pahayag noong Pebrero 5, sinabi ng Communist Party of the Philippines na pinakilos na nila ang NPA para hanapin at arestuhin si Palparan at iharap sa “duly-constituted revolutionary authorities.” Nagtago si Palparan matapos maglabas ang korte sa Malolos, Bulacan, ng arrest warrant laban sa kanya at tatlong iba pa, kaugnay sa pagkawala nina Sherlyn Cadapan and Karen Empeno, kapwa estudyante ng UP. Nag-aalok ang gobyerno ng P1-milyong pabuya sa sinumang makapagbibigay impormasyon para sa ikadarakip ni Palparan. Maliban kay Palparan, inakusahan din ng two counts of kidnapping at serious illegal detention sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr., S/Sgt. Edgardo Osorio, at M/Sgt. Rizal Hilario. Nauna nang sumuko sina Anotado at Osorio ngunit kasalakuyan pang pinaghahanap si Hilario, na "sidekick" umano ni Palparan. — Amanda Fernandez, may kasamang ulat si Rommel Ramos /LBG GMA News