Kampo ni Corona, hiniling sa Korte Suprema na itigil ang paglilitis
Hiniling ng kampo ni Chief Justice Renato Corona nitong Miyerkules sa Korte Suprema na itigil na ang impeachment proceedings dahil ito umano ay "grave abuse of discretion" sa bahagi ng Senado, umuupo bilang impeachment court. Sa isang urgent petition na kanilang inihain, hiniling ng mga abugado ng depensa sa Supreme Court ang nullification sa reklamong impeachment laban kay Corona. Ayon sa petisyon, maypaglabag umano ang Senado sa pagpayag nitong i-subpoena ang bank records ni Corona sa paglilitis. Home court advantage Samantala, inakusahan ng House prosecution team si Corona na humihiling ng "home court advantage" sa kanilang panawagang itigil ang paglilitis. Ayon kay Majority Leader Neptali Gonzales II, isa sa mga House officials na nanguna sa paghain ng reklamong impeachment laban kay Corona, maaaring malihis lamang ng petisyon ang pagdinig ngayon. “Ang gusto nitong kampo ni Corona, magkaroon ng home court advantage," aniya. "This added a new layer of problem to the Senate as impeachment court. Nakadagdag ng gulo. Kung wala ito [petition], dire-diretso na sana ‘yung trial.” Para kay Gonzales, ang paghain ng petisyon ay nagpapakita lamang ng "lack of respect" ng kampo ni Corona sa Senate bilang impeachment court. Forum shopping? Itinanggi naman ni Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, isa sa mga tagapagsalita ng prosecution, ang akusasyon ng kampo ni Corona. Inakusahan niya ang kampo ng "forum shopping" umano. “There is no abuse of discretion on the part of the Senate. Naghahanap na sila ng isang lugar na makakakuha ng pabor na desisyon,” kanyang inihayag sa hiwalay na press briefing. Nangamba naman ni Marikina Rep. Romero Quimbo, isa sa mga prosecution spokespersons, sa naging petisyon ng kampo ni Corona sapagkat maaaring maantala ang nagaganap na paglilitis. “Nakaumang na ang evidence from banks. Nagdesisyon na based on law. Kung walang itinatago, ano ang dahilan na hindi ito papayagan?” ayon sa kanya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News