Lider ng CBCP, iginiit na wala silang pinapanigan sa impeachment trial ni Corona
Iginiit ng lider ng maimpluwensiyang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na nananatiling walang pinapanigan ang kanilang samahan kaugnay sa isinasagawang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona. Ang paglilinaw ay ginawa ni CBCP President Cebu Archbishop Jose Palma, kaugnay sa lumabas na ulat na kasama ang kanilang samahan sa mga nananawagan na buksan ang mga bank accounts ni Corona para patunayan nito na wala siyang itinatago. Sinabi ni Palma sa panayam ng Radio Veritas nitong Biyernes, na walang inilalabas opisyal na pahayag ang CBCP tungkol sa kontrobersiyal na usapin ng mga bank account ng punong mahistrado. “It is not true that CBCP is urging Chief Justice Corona to submit his dollar account. I’d like the people to know that. We do not at all speak and urging CJ Corona to submit his dollar account," paglilinaw ng arsobispo ng Cebu. Nitong Huwebes, sinimulang himayin sa Senate Impeachment Court ang peso (bank) accounts ni Corona. Pero hindi tinalakay ang sinasabing dollar accounts ni Corona matapos magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema tungkol dito. Ayon kay Palma, nananatiling walang pinapanigan ang CBCP sa ginagawang paglilitis kay Corona at ipinauubaya nila sa Senate Impeachment Court ang mga legal na usapin tungkol dito. Idinagdag ni Palma na dapat manatili ang tiwala sa mga senator-judge na lumilitis kay Corona at patuloy na igalang ang proseso ng impeachment trial. - MP/FRJ, GMA News