ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

QC govt, mamimigay ng condoms sa Araw ng mga Puso


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sa kabila ng panawagan ng isang Catholic archbishop, mamimigay ang health officials ng Quezon City ng condoms sa Valetine's Day sa Martes.
 
Mamimigay ang health workers sa mga lugar tulad ng bar, massage parlor at iba pang mga katulad na entertainment establishment, ayon sa ulat ni Allan Gatus ng radio dzBB nitong Lunes.
 
Sa ulat ng radio dzBB, inihayag ni city health office head Dr. Antonienta Inumerable na layunin nilang maiwasan ang pagkalat ng human immunodeficiency virus (HIV), lalo na sa mga kalalakihang nakikipagtalik sa kapwa nilang mga lalaki.
 
Maaaring magresulta ang HIV sa nakamamatay na sakit na Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).
 
Ayon sa ulat, plano ng health office na mamigay ng mga condom sa mga lugar tulad ng Quezon City Memorial Circle, Quirino Highway, Quezon Avenue at Cubao.
 
Mahigit 236 kaso ng HIV nitong 2011 lamang, ayon sa city health office.
 
Nauna nang nanawagan ang dating Catholic Bishop's Conference of the Philippines president and Jara (Iloilo) Archbishop Angel Ladameo sa health officials na huwag mamahagi ng condoms sa Valentine's Day.
 
"The use of contraceptives affects the morality of our people and our society in general,” ani Lagdameo nitong Biyernes sa Radio Veritas, sapagkat kinakailangan umanong masanay ang mga Pilipino sa “abstinence, fidelity to one’s spouse and obedience to God’s will.”
 
Noong Pebrero 2010, binatikos ng mga Catholic bishop si dating Health Secretary Esperanza Cabral sa pamamahagi ng mga condom noong Valentine's Day. Isinagawa ito ni Cabral bilang bahagi ng anti-AIDS na kampanya ng gobyerno.
 
Flowers, stuffed toys, candy early bestsellers
 
Samantala, naghahanda na ang ilang mga tindahan para sa mga maaaring iregalo ngayong Valentine's Day.
 
May ilang stall owners sa Dangwa flower market sa Manila ang nagbebenta ng non-flower items tulad ng stuffed teddy bears at rose-shaped candy, ayon sa hiwalay na ulat ni Manny Vargas para sa radio dzBB.
 
Ayon sa ulat, nananatiling pinakasikat ng pangregalo ang mga bulaklak, sa kabila ng pagtaas ng presyo nitong noong nakaraang linggo.
 
Nagkakahalaga ang long-stemmed roses ng P200 per dozen - o P20 bawat piraso - habang ang mga tulips imported mula Holland ay nagkakahalaga ng P150 bawat piraso. Nagkakahalaga naman ng P250 bawat piraso ng roses mula Ecuador.
 
Tumaas naman ng P160 ang presyo ng stargazer, yellow wind at Casablanca mula sa halagang P120.
 
Maliban sa bulaklak, maaari ring bumili ng mga rose-shaped pastillas (candy) sa halagang P35 bawat isa.
 
Maaari ring makabili ng stuffed teddy bears sa halagang P75, ayon sa ulat.
 
‘Valentine fires’
 
Nauna nang nagsagawa ng inspection ang Bureau of Fire Protection sa mga establishment tulad ng mga motel, na patok ngayong Valentine's Day, upang masiguro ang kaligtasan ng mga guest laban sa sunog.
 
Ayon kay BFP Metro Manila head Chief Superintendent Santiago Laguna, inutos na niya ang kanyang mga tauhan na maging alerto sa posibleng sunog na magaganap sa okasyong ito, ayon sa ulat ni Allan Gatus para sa radio dzBB.
 
Aniya, tinitignan nila kung may sapat na firefighting equipment tulad ng extinguisher ang mga motel at iba pang establishment.
 
Titignan din umano nila ang fire exits at evacuation plans nito, aniya.
 
Malakas ang kita ng mga motel tuwing Valentine's Day.
 
Sa hiwalay na ulat ng dzBB, may ilang motel umano sa Pasig na naglalabas ng mga promotion mula sa Valentine-themed cake sa mga special "quickie" three-hour rates nito.
 
Ayon sa ulat, nagkakahalaga ang mga three-hour rate na ito ng P209, habang ang iba, namimigay ng libreng heart-shaped cakes o breakfast sa kanilang mga guest.
 
Karamihan umano sa mga motel sa Pasig City ang may heart-shaped na entrances, ayon sa ulat. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News