ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

10 katao, sugatan sa salpukan ng school service at jeepney sa Nueva Ecija


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nag-iwan ng mga bakas ng dugo ang mga nasugatan sa naganap na salpukan ng isang school service at isang pampasaherong jeepney sa Nueva Ecija-Aurora Road sa Brgy Cabu, Cabanatuan City. May 10 katao ang pinapaniwalaang nasugatan sa aksidente kabilang ang drayber ng school service na si Melchor Esquivel. Kaagad na dinala ang mga biktima sa pinakamalapit na ospital. “Allegedly sabi din ng mga witness na bantay-bayan, nakita na talagang nagfull-stop na yung passenger jeep ng Laur-Cabanatuan. Itong school bus napunta sa linya at doon nagkaroon ng salpukan," ayon sa imbestigasyon ni SPO4 Roberto Magno ng Cabanatuan City PNP. Parehong wasak ang harapan ng dalawang sasakyang sangkot sa banggaan. Tumilapon pa ang carrier na nasa itaas na bahagi ng school service. Depensa ng drayber ng pampasaherong jeep na si Roberto Combe, hindi na niya naiwasan ang kasalubong na school service na umagaw sa kanyang linya. “’Yon pong nasalubong namin, gumigewang po doon malapit sa groceries na iyon. Inagaw na niya ang linya ko. Wala po akong choice kundi umistop dahil may estrada dine sa kanan," paliwanag ni Combe. Ang mga pasahero ng jeepney ay nagulat sa pangyayari at laking pasasalamat na nakaligtas sila. Ayon naman sa anak ng driver ng school service, nanggaling sila sa pakikipaglibing. Pinagbawalan na rin umano si Esquivel ng mga kapatid na magmaneho pero nagpilit ito. “Binabawalan na siya ng mga kapatid niya ayaw naman niya. May pasok kasi mga estudyante eh dalawang araw nang hindi nakapag-service," ayon kay Dennis Esquivel, anak ng driver ng school service. Sinabi ng imbestigador na batay sa kwento ng ilang testigo ay sumisigaw na ang mga bata bago ang salpukan na indikasyon na posibleng may napansin na silang kakaiba sa drayber. – Junjun Sy/GLCalicdan/FRJ, GMA News