Whitney Houston funeral ngayong Sabado ng gabi, naka-livestream sa GMA News Online
Sa pamamagitan ng livestream ng GMA News Online, saksihan at makibahagi sa paghahatid sa huling hantungan sa itinuturing isa sa pinakamahusay na mang-aawit sa mundo na si Whitney Houston sa Sabado ng gabi. Mamayang 9:00 p.m. (oras sa Pilipinas), sisimulan ang livestream ng GMA News Online sa private funeral ng pop diva na si Whitney, na pumanaw nitong nakaraang linggo sa edad 48. Patuloy pa ang imbestigasyon sa kung ano ang dahilan ng kamatayan ni Whitney. Nakita siyang walang buhay sa isang hotel sa Beverly Hills, isang araw bago ganapin ang Grammy Awards. Kabilang sa inaasahang darating sa tribute para kay Whitney ay ang batikang aktor na si Kevin Costner na naging co-star niya sa kanyang hit Hollywood movie na "Bodyguard." Mag-aalay naman ng awitin sina Aretha Franklin at Stevie Wonder. Ang private funeral service ay idaraos sa New Hope Baptist Church sa Newark, New Jersey, kung saan umawit si Whitney noong bata pa siya. -- AFP/FRJ, GMA News