GMA News Online
Ulat Filipino
»
Dagupan

Guro sa Pangasinan, inireklamo ng pananakit sa estudyante

February 18, 2012 6:01pm

Tags: Pangasinan
Pagaling na ang mga pasa sa siko at hita ng isang grade six pupil na pinalo umano ng patpat ng kawayan ng kanyang guro sa Anonang Elementary School sa San Fabian, Pangasinan.

Sa kabila nito, naghihinanakit pa rin ang estudyante at hindi pa rin umano niya mapapatawad ang kanyang science teacher na pumalo sa kanya ng ilang ulit.

Ayon sa estudyante na hindi pinangalanan dahil minor-de-edad, walang sabi-sabi na pinagpapalo siya ng kanyang guro.

“Kami nga hindi namin ginagawa iyon sa kanya. Kaya sabi ng papa niya gawin namin ang dapat na aksyon," pahayag ng ina ng bata.

Inamin naman umano ng guro na si Edna Aquino ang pagpalo sa bata.

Paliwanag ni Aquino, napalo niya ang bata dahil inaabutan niya itong nakikipag-away sa kaklase.

Napag-alaman na dalawang section sa Grade VI ang binabantayan ni Aquino kaya palipat-lipat ito sa magkalayong silid.

Inimbestigahan na ng principal ng paaralan ang nangyaring insidente.

Bukod sa isinasagawang imbestigasyon ng paaralan, nakatakda ring ipatawag ng pamunuan ng barangay si Aquino para hingan ng pormal na paliwanag.

Nauna na raw idinahilan ng guro na na-highblood ito kaya nag-init ang ulo.

“Kasi na high-blood daw siya pero hindi iyon ang tamang dahilan," ayon kay Ronald Soriano, chairman ng barangay Angio. - JArcellana/WSy/FRJ, GMA News

Tags: Pangasinan



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement
advertisement
advertisement