ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Julie Anne San Jose, excited sa kanyang first solo album


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ano ang bagong handog ni Kapuso singer Julie Anne San Jose para sa kanyang mga tagahanga? Amanda Fernandez
May surpresa ang Kapuso pop superstar at Internet musical sensation na si Julie Anne San Jose para sa kanyang mga masusugid na tagahanga.
 
Sa press conference na naganap nitong Pebrero 20 ng tanghali sa GMA Network Center, pumirma si Julie Anne ng kontrata sa GMA Records, recording at digital media arm ng GMA Network, upang gawing opisyal ang kanyang pagsasagawa ng kauna-unahan solo album, na ilalabas sa kalagitnaan ng taon.
 
Ayon kay Julie Anne, sinisimulan na nila ang pagpaplano para sa kanyang album. Aniya, "Nakapili na po kami ng songs. Ang dalawa po doon, compositions ko po. Tapos 'yung other tracks ko po, puro original and three cover songs."
 
Sa kabila ng kanyang magandang career sa pagkanta, bukas din umano si Julie Anne upang ipagpatuloy ang kanyang acting career. "Gusto ko rin naman po ang acting, pero nabuhay po kasi ako sa music. Kumbaga, noong bata pa po ako, talagang kumakanta ako. Okay lang din naman po sa akin mag-acting," aniya.
 
Unang napanood sa telebisyon sa Julie Anne noong sumali siya sa "Little Ms. Philippines" ng noontime show na Eat Bulaga noong tatlong taong gulang pa lamang siya. Nag-umpisa naman ang kanyang professional singing career noong 2005 nang maging miyembro siya ng teenage singing group na "Sugar Pop."
 
Matapos mabuwag ang grupo, inilunsad ni Julie Anne ang kanyang solo career sa pangangalaga ng GMA Artist Center, ang talent development and management department ng Kapuso Network.
 
JuliElmo, hindi pa mabubuwag
 
Itinanggi naman ni Julie Anne na mabubuwag na ang kanyang love team kasama si Elmo Magalona dahil sa kanyang solo album.  Aniya, "Hindi po. Actually po, si Elmo, may single na rin siya. Ako naman po, may album na rin po. At magkakaroon na rin naman po kami ng movie so hindi naman po siguro kami magka-kanya-kanya."
 
Dagdag niya, "Though maganda rin naman na may kapareha ka, bonus na rin po iyon. Syempre, may solo careers rin naman po kaming dalawa."
 
Inaabangan na ni Julie Anne ang pagsisimula ng kanilang shooting para sa kanilang pelikula na "Just One Summer" ng GMA Films sa unang linggo ng Marso.
 
"Ako po, syempre masaya po at medyo kinakabahan kasi po ng konti. First lead role ko po ito. At excited na rin po ako kasi makakatrabaho ko ang ilang artists na hindi ko pa nakakatrabaho. And syempre, si Direk Mac Alejandre rin ang director namin," aniya.
 
Nang tanungin kung handa na ba siyang magkaroon ng kissing scene kasama si Elmo, ang  kanyang sagot ay: "Kung nasa eksena po talaga, gagawin po namin professionally."
 
Patuloy ang pagtanggi ng 17-anyos na si Julie Anne kung may namumuo sa kanila ng kanyang ka-loveteam. "Hindi ko po alam. Wala pa po kasi sa isip ko po iyan. Ayaw ko rin po. Basta hindi pa po ako handa and this is not the right time to fall in love. Bata pa po kasi ako e. Syempre, focus muna sa work at career." Pagsunod sa yapak ni Lea Salonga
 
Nang pinapili kung sinong mang-aawit ang yapak na nais niyang sundan, pinili niya si Lea Salonga. Aniya, "Kasi po idol ko na po siya, bata palang po ako. Kasi po si Ms. Lea sobrang professional po niyang mag-work and sobrang linis po ng boses niya."
 
Kanya ring inihayag ang pagnanais na balang araw, sasabak din siya sa broadway. Handa umano siyang iwan ang kanyang career sa Pilipinas upang matupad ang kanyang pangarap sa abroad. Aniya, "If it's God's will po, iyon po ang susundin ko. Kung saan po ako dadalhin ni Lord."
 
Lubos naman ang pasasalamat ni Julie Anne sa GMA Network at sa lahat ng mga sumusuporta sa kanya. Aniya, "Oo naman po and now I feel so honored ang grateful to be part of GMA Network. I would also like to thank the Lord, sa family ko, at syempre sa supporters ko na sumuporta sa akin all the way."
 
Mapapanood si Julie Anne tuwing Linggo sa musical variety show ng GMA 7 na Party Pilipinas. Maliban dito, aabangan din ng mga fans ang kanyang upcoming movie na tampok din ang kanyang love team na si Elmo sa pelikulang "Just One Summer" ng GMA Films na maasahang ilalabas sa mga sinehan sa taong ito. — RSJ, GMA News