GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

Gloria Arroyo, naghain ng not guilty plea sa electoral sabotage charge

February 23, 2012 12:01pm
Naghain ng "not guilty plea" si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang pagharap sa Pasay City Regional Trial Court Branch 112 nitong Huwebes para sa kanyang arraignment sa electoral sabotage charge na kanyang kinakaharap.

Ayon sa kanyang abugadong si Ferdinand Topacio, "very firmly" na itinanggi ng dating pangulo ang mga paratang sa kanya.

“Wala naman po siya talagang kasalanan. Para sa amin, ang arraignment na ito ang first step towards acquittal sapagkat napakanipis naman po talaga nitong mga paratang laban sa ating dating Pangulo,” ani Topacio.

“Despite the continuous and massive vilification campaign against me and my family, I have always said that I will dispute all charges in the proper forum. I am submitting myself to this process not only to clear my name but also as part of my commitment to respect and abide by the rules and orders of our courts,” pahayag ni Gng. Arroyo, kasalakuyang kinatawan ng second legislative district ng Pampanga sa House of Representatives.

Dagdag pa niya, umaasa ako na “our leaders uphold and our people have faith in the Constitution and the rule of law.”

Sakdal ni Arroyo, hindi na binasa

Nandoon din si dating First Gentleman Jose Miguel at ang kanyang mga anak na sina Camarines Sur Rep. Diosdado at Ang Galing Party-list Rep. Juan Miguel sa arraignment ni Gng. Arroyo, na nakasuot ng off-white, long-sleeved na damit.  Nakakabit pa rin ang kanyang neck brace.

Naroon din ang chief of staff ni Gng. Arroyo na si Elena Bautista-Horn, at ang kanyang lead counsel na si Atty. Benjamin Santos.

Dumating si Gng. Arroyo sa Pasay City mula sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) lulan ng isang white coaster. Mayroon ding kasamang tatlong police escort vehicles ang kanyang convoy. Matapos ang kanyang paghain ng not-guilty plea, dinala siya pabalik ng VMMC sa Quezon City.

Tumagal lamang umano ng 20 minuto ang arraignment dahil nagpasya si Gng. Arroyo na huwag nang basahin ang sakdal laban sa kanya, ani Topacio.

“Ibig sabihin po kasi, naunawaan na ng dating Pangulo ‘yung krimen na ipinaparatang sa kanya. Alam na niya ang pini-plead niya, which is not guilty,” dagdag pa ng abugado.

Magaganap ang pre-trial at preliminary conference ng kaso ni Gng. Arroyo sa darating na ika-19 ng Abril.

Poll sabotage

Inakusan ang dating Pangulo ng umano'y pagpayag nito na dayain ang resulta sa halalan noong 2007 pabor sa mga kandidatong tumakbo sa ilalim ng kanyang administration party.

Nakasaad sa Section 42 ng Omnibus Election Code – na inamyendahan ng Republic Act (RA) 9369 – na: electoral sabotage is committed when a person “tampers, increases or decreases the votes received by a candidate in any election" or when a member of the board of election inspector “refuses after proper verification and hearing to credit the correct votes or deduct such tampered votes."

Ayon sa RA 9369, na pinirmahan ni Gng. Arroyo noong siya pa ang pangulo, life improsonment ang parusa nito.

Inaresto ang dating Pangulo noong Nob. 18, sa mismong araw ng paghain ng Commission on Elections (Comelec) ng kanilang reklamo laban sa kanya sa Pasay City Regional Trial Court.

Siya ang ikalawang dating Pangulo ng Pilipinas na inaresto dahil sa mga kasong kriminal.  Ang una ay ang kanyang predecessor na si Joseph Estrada, na nakulong sa salang plunder, ngunit pinatawad ni Gng. Arroyo at pinalaya.

Hanggang ngayon, nananatili si Gng. Arroyo sa kustodiya ng mga pulis mula pa noong araw na sinubukan niyang lumabas ng bansa upang mapagamot.

Pinigilan siya ng immigration officials, sa utos ni Justice chief Leila de Lima, na inilarawan ang pag-alis ni Arroyo bilang "flight risk" batay umano sa mga kasong inihain laban sa kanya.

Kasalakuyang humaharap si Gng. Arroyo ng kasong graft sa Sandiganbayan kaugnay sa kontrobersiya ng national broadband network deal na ini-award sa ZTE Corp. ng China.

Inirekomenda rin na ng Justice Department ang paghahain ng kasong malversation laban kay Gng. Arroyo at tatlo pang iba pa dahil sa umano'y maling paggamit ng milyun-milyong pondo ng overseas workers. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News
We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus