Negosyanteng hapon sa PHL nagtayo ng 2 school buildings
Bilang tulong sa paghilom ng sakit na dulot ng World War II, nagtayo ng dalawang school buildings ang isang Japanese philanthropist sa bansa sa mismong ruta kung saan naganap ang malagim na Death March noon. Bukod sa dalawang gusaling gagamitin bilang paaralan, nagbigay din ng ilang kagamitan si Katsutoshi Shimizu sa Department of Education nitong Martes, ayon kay Education Secretary Armin Luistro. “We thankfully accept this donation from R.K Shimizu (Nagasaki) Foundation, Inc. through its president Mr. Katsutoshi Shimizu, whose mission is to help build dreams and bridge societies. We hope many will follow suit,” ani Luistro. Ayon sa DepEd, ang donasyon ay paraan ni Shimizu para pasalamatan ang pamahalaan ng Pilipinas sa kanyang 40 taong pagnenegosyo sa bansa. Ang dalawang school buildings ay kapwa may dalawang classrooms at nakatakdang gamitin ng Bantan Elementary School sa Orion, Bataan, at Angelina Jimenez Elementary School sa Capas, Tarlac. Maliban sa gusali, naghandog din ng ilang kagamitan si Shimizu tulad ng toilet, Japanese garden, dalawang computer sets, dalawang LCD TV sets, at ilan pang classroom equipment tulad ng mga mesa, upuan, at chalkboards. Isinagawa ni Shimizu ang donasyon sa ilalim ng programa ng DepEd na Adopt-A-School kung saan maaaring mag-donate ang pribadong sektor sa public schools. Sa ngayon, ayon sa DepEd, nakatulong na ang foundation sa isang paaralan sa Talisay at dalawang paaralan naman sa Calatagan, na kapwa nasa probinsiya ng Batangas. “The chairs and tables—donated by the Prefecture of Nagasaki where Shimizu hails—are designed not only to carry five times the weight of an adult person but also to protect school children in times of emergency,” ani Luistro. Dumating ang 74-taong-gulang na si Shimizu sa Pilipinas noong 1969 upang magnegosyo. Mula noon, may mahigit 500 beses na siyang nagpabalik-balik sa bansa, dahilan kung bakit itinuturing niyang second home ang Pilipinas. Ayon kay Shimizu, inatasan na niya ang kanyang anak na ipagpatuloy ang kanyang legacy sa Philippine education kapag pumanaw na siya. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News